ECQ VIOLATORS MAAARING MAKULONG NG MAHABANG PANAHON – JTF COVID SHIELD

NAGBABALA kahapon ang Joint Task Force COVID Shield sa publiko hinggil sa posibleng pagkakakulong ng matagal ng sinomang maaaresto at ipaghaharap ng reklamo dahil sa paglabag sa home quarantine and social distancing rules na mahigpit na ipinatutupad ngayon para mapigilan ang paglaganap ng coronavirus disease.

Ayon kay Police Lieutenant General Guillermo Lorenzo T Eleazar, commander ng JTF COVID Shield, “pinaaalalahanan ko ang mamamayan na tuloy-tuloy ang proseso sa paghahain ng kaso sa korte kahit may umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa electronic inquest, or e-inquest na nilikha ng Department of Justice (DOJ) para sa mga pasaway.”

Paliwanag ni Gen. Eleazar, sa ilalim ng e-inquest, lahat ng mahuuli sa curfew at iba pang mga alituntunin kaugnay sa ECQ ay dadalhin sa presinto kung saan ihaharap ang mga ito sa piskal o government prosecutors gamit ang iba’t ibang apps na nagbibigay ng video chat or video conference.

“Kung sa tingin ng ating mga pasaway na kababayan na makakalusot sila dahil sa kanilang akala na sarado ang mga Prosecutors Office, nagkakamali sila. Mayroon po tayong ‘e-inquest na ang ibig sabihin ay makakasuhan pa rin sila dahil sa kanilang paglabag sa batas at sa mga panuntunan ng ECQ,” banta pa ni PLt. Gen. Eleazar.

Wala man aniyang online na kulungan pero may online inquest, ayon sa heneral. JESSE KABEL

192

Related posts

Leave a Comment