LAGUNA – Huli sa akto sa ilegal na pag-operate ang ilang mga establisimiyento sa Calamba City katulad ng internet shop, resorts, spa at badminton court sa kabila ng umiiral na general community quarantine sa lalawigang ito.
Nag-ikot ang mga tauhan ng Public Order and Safety Office o POSO sa utos ni Mayor Justin Chipeco para ipasara ang mga ito dahil sa hindi pagsunod sa guidelines at protocols ng IATF.
Ayon kay Jeffrey Rodriguez ng POSO, “ito ay galing sa mga ibang lugar at nagiging palusot po nila ay walang bayad ang mga ito dahil sa mga kamag-anak nila ngunit kapag chineck ang kanilang guest list, eh they are coming from different places at hindi po relatives.”
Samantala, ininspeksyon kamakailan nina DOH Secretary Francisco Duque III, Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar, Deputy Chief Implementer and testing Czar Sec. Vince Dizon ng National Task Force Against COVID-19 at DOH 4A Director Dr. Eduardo Janairo, ang tatlong ektaryang compound na gagawing Mega Quarantine Facility sa rehiyon na matatagpuan sa Brgy. Mapagong, Calamba City.
Itinuturing itong mas malaki kaysa Nayong Pilipino Quarantine Facility sa Parañaque na kayang maglagay ng 650 beds. Sa bilang na ito ay 97 ang inilaan para sa nurses at ilang health workers at 553 beds para sa mga positibo, mild at asymptomatic patients.
Nanatiling ang Laguna pa rin ang may pinakamataas na kaso ng nakamamatay na coronavirus disease.
Karamihan dito ay mga manggagawa mula sa mga pabrika sa industrial park sa una at ikalawang distrito ng probinsya.
Sa huling datos na inilabas ng DOH CHD 4-A noong Agosto 27, mayroon nang 11,978 active cases, 18,647 confirmed cases habang 460 ang namatay.
Samantala, sa Cavite ay 3,122 ang active cases; sa Laguna ay 4,547 ang active cases; sa Batangas ay 1,625 ang active cases, sa Rizal ay 2,255 at sa Quezon ay 429 ang active cases. (CYRILL QUILO)
133
