EU NAGKALOOB NG €150,000 AYUDA SA MGA BIKTIMA NG HABAGAT

NAGKALOOB ang European Union (EU) ng €150,000 o humigit-kumulang ₱10.9 milyon na humanitarian aid para sa mga biktima ng malawakang pagbaha dulot ng habagat at mga nagdaang bagyo sa Luzon.

Ipamamahagi ang tulong sa pamamagitan ng Philippine Red Cross (PRC), na inaasahang makatutulong sa mahigit 32,000 katao sa mga pinakaapektadong lugar sa Ilocos Region, Central Luzon at Metro Manila.

Kabilang sa mga ipamamahaging pangunahing suplay ang sleeping kits, water containers at hygiene items para sa mga pamilyang inilikas. Maglalaan din ng hot meals at malinis na inuming tubig sa mga evacuation center at komunidad.

Nakatakda ring magpakilos ng mobile health teams para sa medical consultation, pamamahagi ng gamot at mental health support. Isasagawa rin ang disease monitoring upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit na maaaring makuha sa baha at kagat ng lamok.

Ang nasabing pondo ay karagdagan sa naunang €2 milyong humanitarian aid na inilaan ng EU para sa mga pamilyang lubhang naapektuhan sa Ilocos Region (Region I), Central Luzon (Region III) at Metro Manila (National Capital Region).

Ayon sa EU, bahagi ang karagdagang €150,000 o ₱10.9 milyon ng mas malawak nitong suporta sa Pilipinas at nagmula sa global fund na mabilis na inilalabas para sa mga biglaang sakuna na nangangailangan ng agarang humanitarian assistance.

(JESSE RUIZ)

40

Related posts

Leave a Comment