OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
Al Khobar, Saudi Arabia – Dumulog sa ating pahayagan ang tatlong overseas Filipino workers (OFWs) na biktima umano ng isang kapwa Pinoy na nagngangalang Ali, na ginagamit ang pangalan ng Migrant Workers Office (MWO) at ng Philippine Embassy upang makapanloko.
Ayon kay Ronel, isa sa mga biktima, nakilala niya si Ali bilang isang negosyante na nagpapakilalang konektado sa mga opisyal ng MWO at embahada. Sa simula ay naging maayos ang kanilang pakikitungo hanggang sa hiningi ni Ali ang kanyang Iqama upang gamitin sa pag-upa ng bagong tirahan. Subalit hindi nito binayaran ang upa na umabot sa SR 11,000 at tuluyang tumakas.
Samantala, si Dan naman ay inutangan ng SR 10,000 ni Ali na pangakong babayaran sa loob ng dalawang buwan. Mahigit isang taon na ang lumipas ngunit hindi pa rin ito naibabalik. Higit pa rito, tinakot pa umano siya ni Ali na ipahuhuli sa pulis sa gawa-gawang paratang ng “pagbubugaw.”
Iba naman ang sinapit ni John, na nilapitan si Ali dahil sa ipinagmamalaki nitong koneksyon sa MWO at embahada. Pinabayaran umano siya ng SR 2,000 para asikasuhin ang kanyang kaso, ngunit walang naging resulta ang proseso.
Ipinagmamalaki umano ni Ali ang kanyang “kapit” sa mga opisyal kaya’t malaya nitong nagagamit ang pangalan ng MWO upang linlangin at takutin ang kapwa OFW.
Nananawagan ngayon ang mga biktima sa pamunuan ng MWO Al Khobar na agarang imbestigahan ang reklamo laban kay Ali at linisin ang pangalan ng kanilang tanggapan laban sa ganitong uri ng panlilinlang.
Ang ating mga kababayan ay pinapayuhan na maging mapanuri at huwag basta-basta magtitiwala sa mga taong gumagamit ng pangalan ng gobyerno upang makapanlamang.
