OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO
ISA tayo sa mga natuwa nang malaman natin na ang bossing natin dito sa Saksi Ngayon na si Atty. Vic Rodriguez ang magiging executive secretary ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.
Gaya ng alam na natin, si Atty. Vic na mas kilala sa alias na VDR, ang chief of staff, spokesman at kaibigan ni BBM.
Mula sa election protest noong taong 2016 kung saan ay nadaya si BBM sa pagka-bise presidente – matapos palitan ang letrang Ñ – ay hindi na iniwan ni Atty. Vic si Marcos.
Kaya nga lahat ng mga fake news na atake ng mga kalaban kay BBM ay kayang-kayang ipagtanggol at linawin ni Atty. Vic.
Sa loob halos ng mahigit anim na taon nilang pakikipaglaban ay gamay na nito ang ugali ng kanyang bossing.
Bukod kay VDR, ang iba pa na malaki ang naitulong sa kampanya ni BBM ay ang asawa niyang si Ma’am LAM (Liza Araneta-Marcos), gayundin ang kaibigan nilang si 2nd District Davao Cong. Anton Lagdameo (asawa ni award-winning actress Dawn Zulueta) at ang veteran journalist-PR na si Boss Rey Briones, aka Tata Rey.
Sa galing ni Atty. Vic, maayos nitong nasagot ang kabi-kabilang atake ng kalaban ng mga Marcos.
Habang sinusulat ang kolum na ito ay kumpirmado na rin ang appointment ng mahusay na lady lawyer na si Atty. Trixie Angeles bilang bagong kalihim ng Presidential Communication Operations Office at ni Cavite Rep. Boying Remulla bilang Justice Secretary.
Bago ito ay nauna na ring kinuha ni BBM sa kanyang Gabinete sina Arsenio Balisacan para sa NEDA, Bienvenido Laguesma sa DOLE, si Toots Ople sa bagong tatag na Department of Migrant Workers.
Ngayon pa lang ay kitang-kita na natin na pawang may integridad at angking kakayanan at talino ang ilan sa mga bumubuo ng Gabinete ni BBM.
Kaya naman nakatitiyak ang mahigit 31 milyong Pilipino na bumoto sa kanya na hindi sila nagkamali sa paghalal sa kanya bilang Pangulo ng bansa.
298 