HULING PMAer NA MAGIGING PNP CHIEF

SINASABING si PNP-National Capital Regional Police Office Director P/Maj. Gen. Vicente Danao na ang pinakahuling Philippine Military Academy ­graduate na magsisilbi bilang ­Philippine National Police chief, sakaling siya ang ­hiranging ­kapalit ni PNP chief, ­General Guillermo Lorenzo T. ­Eleazar.

Matunog kasi ang usap-usapan sa loob ng dalawang security camp na ­maaaring dalawang Davao Boys ang mapisil ng kanilang ­commander-in-chief, si ­Pangulong Rodrigo Roa Duterte, para magsilbing bagong pinuno ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Marami ang umaasang isasalin ni General Eleazar ang renda ng PNP kay NCRPO commander, P/Maj. Gen. Danao na miyembro ng PMA Class 1991 ang huling batch ng pamosong military school na maaaring pagkunan ng PNP chief.

Sinasabing matapos ang PMA Class 91, mula 1992 onward ay sa Philippine National Police Academy na huhugot ng mga susunod na PNP chief.

Nagsumite na umano si DILG Secretary Eduardo Año ng kanyang listahan sa Malacañang ng mga kuwalipikado na maaaring pagpilian para humalili kay Gen. Eleazar at ang pinagbasehan nito, ayon sa kalihim, ay seniority, merit at service reputation.

Kung seniority ang pagbabasehan, si Major General Albert Ferro ng PNP-CIDG na miyembro ng PMA 1989, is the most senior police officer subalit si Danao ng PMA 1991, ay sinasabing isa sa mga malapit sa Pangulo.

Kaya masasabing siya na ang pinakahuling PMA ­graduate na mamumuno sa national police. Mula 1992, lahat ng police officers ay nagmula na sa PNPA.

Subalit kung susundin ang rule of succession kabilang sa mga qualified senior officer na maaaring humalili kay Eleazar sina Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, Deputy Chief for ­Administration (TDCA), ang second-highest official ng PNP; Lt. Gen. Israel Ephraim Dickson, Deputy Chief for Operations (TDCO), third-highest official; Lt. Gen. ­Dionardo Carlos, The Chief Directorial Staff (TCDS), 4th-highest official ng PNP.

Si Eleazar at ang ­hinalinhan niyang si Gen. Debold Sinas, sina Vera Cruz at Dickson ay mag-mistah na pawang kasapi ng PMA Class of 1987 samantalang si Carlos ay miyembro ng PMA Class of 1988.

Sa susunod na buwan ay inaasahan na magkakaroon ng bagong pinuno ang AFP at PNP na maaaring huling mga pinuno ng national security force na itatalaga ni Duterte bago ito bumaba sa poder sa susunod na taon.

Isa naman sa matunog na pangalan na lumulutang na maaaring maging kahalili ni General Jose Faustino ay si Lieutenant General Greg Almerol, ang pinuno ng ­Eastern Mindanao Command. Si Almerol ay ikalimang Davao City-based-EMC commander na maaaring humawak ng AFP kasunod nina Gen. Ray Guerrero, Benjamin Madrigal, Felimon Santos Jr. at Faustino.

239

Related posts

Leave a Comment