HALOS 1K KABAHAYAN NATUPOK SA COASTAL BARANGAY SA TAWI-TAWI

HALOS isang libong kabahayan na gawa sa light materials ang natupok sa malaking sunog na sumiklab sa isang coastal barangay sa bayan ng Bongao, Tawi-Tawi.

Ayon sa Bongao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), mahigit 5,000 katao ang nawalan ng tirahan matapos lamunin ng apoy ang stilt houses sa Barangay Lamion nitong Martes ng gabi. Tumagal ng halos apat na oras ang sunog.

Nakatanggap umano ng tawag ang MDRRMO bandang alas-10:09 ng gabi, subalit mabilis nang nilamon ng apoy ang malaking bahagi ng residential area.

Dagdag pa ng MDRRMO, natupok din ang mga footbridge na nag-uugnay sa mga kabahayan kaya nahirapan ang mga bumbero na makapasok sa lugar.

“The affected families were evacuated via land and sea,” ayon sa ulat ng MDRRMO. Wala namang naitalang nasawi sa sunog.

Bandang alas-2:00 ng madaling araw kahapon ay idineklara nang fire out ng Bongao Central Fire Station ang insidente.

(JESSE RUIZ)

10

Related posts

Leave a Comment