GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
ISANG matandang gasoline attendant ang humahabol sa isang sasakyan sa ilalim ng matinding init ng araw. Mabagal ang hakbang pero halatang nagmamadali. Umaakyat ang init mula sa semento. Pagkatapos kumalat ng video ay roon lang napagtanto ng marami na isa pala itong prank.
Ang nasa likod ng video ay si HF Florida. Ayon sa mga ulat, isinadula ang eksena bilang bahagi ng isang prank. Pero hindi nito nabawasan ang bigat ng sitwasyon. Dahil kahit planado, totoo pa rin ang panganib. Totoo ang matandang tumatakbo. Totoo ang kanyang edad. Hindi nawawala ang delikado dahil lang may script.
Kinailangan niyang kumilos nang mabilis at tumawid sa kalsada para makahabol. Sapat na iyon para mag-alala. Hindi kontroladong lugar ang kalsada. Hindi inaasahan ng mga driver na may taong biglang tatakbo sa gitna nito. Isang maling hakbang lang, maaaring may mangyaring aksidente.
Nariyan din ang init ng panahon. Alam ng kahit sino kung gaano kahirap tumayo sa ilalim ng sikat ng araw. Mas mahirap ito para sa matatanda. Mas mabilis mapagod ang kanilang katawan. Mas bumibigat ang paghinga. Ang biglaang pagtakbo sa ganitong mainit na panahon ay hindi lang nakapapagod. Mapanganib din ito.
May lumabas pang detalye tungkol sa video. Sinasabing si Tyson, ang matandang tumatakbo, ay hindi lang basta nagtatrabaho sa gasolinahan kundi bahagi ng team ni HF Florida, isa sa mga taong kasama sa pag-gawa ng content. May nagsabi pa na matagal na raw siyang ginagawang paksa ng mga prank. Ang “content lang” ay hindi lisensya para gawin ang kahit ano. Kahit magkakilala sila, malinaw pa rin na may taong inilalagay sa alanganin para sa aliw. Na okay lang ipahiya ang isang tao basta may views.
Dito pumapasok ang usapin ng respeto. Ganito ba dapat tratuhin ang isang taong kasama mo sa trabaho? At bakit siya ang laging pinagtitripan? Dahil ba hindi siya maka-aangal?
Kapag may agwat sa estado ng buhay, mas seryoso ang usapan. Isa ang may kapangyarihan at pera. Isa ang tumatakbo sa initan.
Mas naka-aabala pa para sa akin kung gaano kadaling gawing entablado ang isang lugar ng trabaho. Hindi set ng palabas ang gasolinahan. May mga patakaran ito. At hindi ba’t kamakailan lang ay may naibalita na hindi nagbayad pagkatapos magpa-full tank? Na hinabol din ng empleyado ang sasakyan. Ang ganitong eksena ay pagbalewala sa kaligtasan at respeto.
May mensahe rin ang ganitong klaseng content. Ipinakikita nito na puwedeng gawing props ang kahit na sino. Na ang isang mabilis na tawa ay mas mahalaga kaysa kaligtasan ng tao. Mabilis kumalat ang ganitong pag-iisip online. May ibang gagaya. May iba pang hihigitan.
Hindi rin puro tawa ang naging reaksyon ng publiko. Marami ang pumuna. Marami ang nagtanong tungkol sa kaligtasan at tamang paghusga. Ayon sa ilang ulat, umabot pa ito sa pansin ng mga awtoridad matapos kumalat. Ibig sabihin, hindi ito simpleng biro lang.
May nagsabi na wala naman daw nasaktan. Pero hindi iyon ang punto. Ang kawalan ng aksidente ay hindi ibig sabihin tama ang ginawa. Nagkataon lang iyon. Hindi dapat umaasa sa swerte ang kaligtasan.
Hindi ako laban sa pagpapatawa. Ang kinokontra ko ay ang pagiging pabaya na itinatago sa anyo ng biro. Maraming paraan para magpatawa. Maraming paraan para gumawa ng content. Hindi kailangang ilagay sa panganib ang isang tao para lang sa views.
Mawawala rin ang video sa feed. May papalit na panibagong usapan. Pero ang imahe ng matandang lalaking tumatakbo sa ilalim ng sikat ng araw ay mahirap kalimutan. Hindi ito nakatatawa kung iisipin. Isa itong paalala kung hanggang saan ang kayang gawin ng iba para sa pansin, at kung gaano kadaling makalimutan ang taong nadadamay.
78 