HINDI pa isinusuko ni dating Executive Secretary Atty. Victor D. Rodriguez ang laban matapos niyang ihayag nitong Huwebes na pinag-iisipan niyang magsampa ng motion for reconsideration (MR) sa Korte Suprema kaugnay ng desisyon nitong ibasura ang kanyang petisyon laban sa voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Inihayag ni Rodriguez ang plano sa isang panayam sa Unang Balita ng GMA News, isang araw matapos ibasura ng Korte Suprema ang kanyang petisyon na kumukuwestiyon sa hakbang ng Senate Impeachment Court.
“We are considering the filing of a motion for reconsideration, and we are given 15 days from receipt of the resolution. As of today, while this interview is ongoing, we have yet to get a copy of the resolution,” ani Rodriguez.
Kinuwestiyon sa petisyon ni Rodriguez ang kapangyarihan ng Senado bilang impeachment court na magtakda ng partikular na bilang ng mga boto na kinakailangan para sa conviction o paghatol na nagkasala sa impeachment case.
Matatandaang inakyat ni Rodriguez sa Korte Suprema ang usapin sa bilang ng mga botong kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial.
Sa kanyang 24-page petition for certiorari and prohibition, hiniling ni Rodriguez na ipawalang-bisa ang September 23 ruling ng Senate Impeachment Court na ibatay ang two-thirds vote sa mga senador na legal at aktuwal na may kakayahang lumahok sa proceedings.
Iginiit ni Rodriguez na sa ilalim ng 1987 Constitution, ang two-thirds requirement ay dapat ibatay sa buong 24 miyembro ng Senado, kaya 16 na boto ang kailangan para sa conviction.
Aniya, hindi nawawala sa bilang ng Senate membership ang isang senador dahil lamang sa absence, non-participation o pansamantalang kawalan ng kakayahang lumahok sa proceedings.
Hiniling din ni Rodriguez sa Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad ng September 23 ruling at ibalik ang July 6 ruling ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero, na nagtakda sa 16 na boto bilang kinakailangan para sa conviction.
Nirerespeto ng Palasyo
SAMANTALA, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na iginagalang niya ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang tatlong magkakahiwalay na petisyon na kumukuwestiyon sa interpretasyon ng Senate Impeachment Court sa two-thirds vote na kailangan para sa conviction sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Sa press briefing sa MalacaΓ±ang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na posibleng nakita ng Korte Suprema ang kakulangan sa legal standing ng mga petitioner at kawalan ng sapat na personal o legal na interes upang dalhin ang usapin sa korte.
“First of all, the decision regarding the clarification of the phrase ‘all members of the Senate’ came from the Senate itself. So, whatever action the Senate has taken on this matter, as well as whatever decision the Supreme Court has made, the president and the administration will respect,” ayon kay Castro.
“As for the issue of prematurity, the Supreme Court likely also saw that there was not yet any indication that the alleged harm could occur because the situation had not yet reached the point where there was any reason for concern,” dagdag niya.
Ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyong kumukuwestiyon sa voting threshold o bilang ng boto na kailangan para mahatulan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa Korte Suprema, procedural grounds ang naging batayan ng pagbasura, kabilang ang kawalan umano ng standing ng mga petitioner at pagiging premature ng mga inihain nilang kaso.
Dahil dito, hindi na tinalakay ng Korte Suprema ang mga substantive issue na nakapaloob sa mga petisyon, kabilang ang mga argumento hinggil sa itinakdang bilang ng boto para sa conviction.
Inilabas ang desisyon habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings laban kay Duterte sa Senado, na nagsisilbing impeachment court.
Matatandaang 13 senador ang bumoto pabor sa pagbabago ng interpretasyon sa 16-vote threshold, habang si Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero ang nag-iisang tumutol at anim na senador ang nag-abstain.
(CHRISTIAN DALE)
46 