Hirit ni Sen. Imee Marcos KADIWA ROLLING STORES DAGDAGAN

MABABASAWAN ng gobyerno ang hirap nitong ikontrol ang presyo ng pangunahing mga bilihin kung agad nang ikakasa at dagdagan ang Kadiwa rolling stores nito, ayon kay Senator Imee Marcos.

Sampung araw nang walang magawa ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) sa nagtaasang presyo sa mga palengke, mula nang ideklara ni Presidente Duterte ang state of calamity sa buong Luzon dahil sa hagupit ng bagyong Ulysses.

“Puro matatamis na salita lang ang napapala natin mula sa DA at DTI. Walang natutupad na price control,” ayon kay Marcos.

Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na mas malaki pa ang puhunan ng mga tindera kaysa suggested retail price o SRP na ipinataw ng gobyerno, kaya mas mataas ang presyuhan sa mga palengke.

Sa mga reklamo na natanggap ng opisina ng senadora, iginiit ng mga tindera na nagmahal ang presyo ng mga bilihin dahil sa kapos na supply ng mga produkto mula sa mga lalawigan dulot ng pinsala ng bagyo sa agrikultura, gayong mataas ang demand o pangangailangan ng publiko.

Dagdag pa ng mga tindera, mataas din ang mark-up cost ng middlemen o mga gumigitna sa pagbili ng mga gulay sa mga farmer.

“Nasaan ang mga Kadiwa rolling store ng gobyerno kung kailan sila kailangan? Ang konsepto ng direktang pagbili mula sa mga magsasaka nang walang mga middlemen para mapababa ang presyo nga mga bilihin, ay gumana 40 taong na ang nakararaan at tiyak na magiging epektibo pa rin ito sa kasalukuyan,” diin ni Marcos.

Sinabi ni Marcos, ayon sa Republic Act 7581 o Price Act, may tinatawag na “buffer fund” na pwedeng magamit ng DA para madagdagan ang Kadiwa rolling stores at makaabot sa mas maraming mamimili ang mas murang presyo.

“Kahit pa paigtingin ang pagbabantay sa presyo o pag-aresto sa mga lumalabag sa SRP, napakalakas ng hatak ng merkado. Dapat nang mamagitan ang gobyerno at damihan ang Kadiwa stores para masigurong tuloy-tuloy ang suplay ng pagkain,” giit ni Marcos.

Malaki ang agwat ng mga SRP sa aktwal na presyo kada kilo ng mga bilihin sa ilang mga palengke sa Metro Manila, base sa survey ng opisina ni Senadora Marcos. (ESTONG REYES)

184

Related posts

Leave a Comment