NANINIWALA si Senador Panfilo Lacson na kailangan nang buwagin ang Philippine International Trading Corporation (PITC) bilang “procurement agency” ng pamahalaan ng iba’t ibang kalakal tulad ng gamot at bigas dahil matagal nang walang silbi ang ahensiya.
Idiniin ni Lacson na wala nang silbi ang layunin ng PITC mula nang itatag ang “government procurement service” (GPS) ng Department of Budget and Management (DBM).
Ang GPS ng DBM ang ginamit na ahensiya nang bumili ang administrasyon ng coronavirus disease testing kits mula sa China.
Binanggit ni Lacson na makatitipid ang pamahalaan mula sa “unnecessary expenses amounting to billions of pesos in delays and commissions or service fees” kung wala nang PITC.
Itinayo ang PITC upang mapabilis ang pagbili ng mga gamot nang hindi dumaraan sa masalimuot na prosesong itinakda ng batas sa pagbili ng gamot.
Kinalaunan, isinama na rito ang bigas.
Nabunyag ang pagiging inutil ng PITC nang ibunyag ni Senador Franklin Drilon na P33.3 bilyong pera ng pamahalaan na hindi nagastos dahil sa makupad na pagkilos ng PITC.
Batay sa rekord hanggang ngayon Oktubre 31 ng kasalukuyang taon, malaking bahagi ng P33.3 bilyon ay kumakatawan sa P7.04 bilyong pondo ng Philippine Army (PA), P3.25 bilyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), P3.25 bilyon ng Department of Information and Communication Technology (DICT), P3.04 bilyon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), P2.44 bilyon ng Bureau of Customs (BOC), P2.11 naman ng Department of Health (DOH), P1.74 bilyon ng Philippine Navy (PN), P1.47 bilyon ng University of the Philippines Systems (UPS), P1.15 bilyon ng Research Institute of Tropical Medicine (RITM) at ang P991.24 milyon ng Philippine General Hospital (PGH).
Hiniling na ng Department of Finance (DOF) sa DBM na ipabalik sa PITC ang P33.3 bilyon sa Bureau of Treasury (BTr). (NELSON S. BADILLA)
162 