NAGPALABAS ng bagong Suggested Retail Prices (SRP) ang Department of Agriculture (DA) para sa pangunahing agricultural commodities na ibinebenta sa Metro Manila sa wet markets, ngunit isinama rito ang supermarkets para maproteksiyunan ang mga konsumer.
Ang updated SRP ay nakapaloob sa DA Administrative Circular (AC) No. 17 na nilagdaan ni Agriculture Secretary William Dar noong Nobyembre 26.
Ito ay magsisilbing panuntunan ng retailers at consumers sa gitna ng Luzon-wide price freeze na ipinatutupad dahil sa pandemic at mga kalamidad na nanalasa sa bansa.
Ang DA-AC 17 ay nagpapawalang bisa sa iba pang nakaraang kautusan (ACs 16, 14 at 11) at mananatili ito sa loob ng dalawang buwan hangga’t wala pang inilalabas na bagong AC na may kaugnayan nito.
Sakop ng bagong SRP ang pitong kategorya: rice, livestock at poultry, fish, lowland and highland vegetables, fruits, spicies, at iba pang pangunahing items.
Kaugnay nito, ang DA ay nagbabala na ang mga hindi susunod sa bagong SRP ay papatawan ng multang P5,000 hanggang P2 milyong at pagkakakulong ng lima hanggang 15 taon.
Kasabay nito, hinikayat ng DA ang consumers na i-report ang mga lalabag sa SRP sa DA-(02) 8920-0925 at da.consumersprotection@gmail.com para kaukulang aksyon. (JOEL O. AMONGO)
184 