HUWAG NATING TANTANAN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

HINDI natin dapat tantanan ang isyu sa katiwalian sa flood control projects na nagpayaman, hindi lamang sa mga kontraktor kundi maging sa mga corrupt official ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Kailangang tiyakin natin na may mananagot, may makukulong at may mababawian ng yaman na mga sangkot sa anomalyang ito at nagpakasasa sa P450 billion flood control projects, hindi lamang ngayong administrasyon kundi maging sa nakaraang administrasyon.

Eto na lamang ang paraan para makamit natin ang katarungan dahil hindi tayo China, hindi tayo Singapore, hindi tayo Malaysia na kapag may mga opisyales ng gobyerno na sangkot sa katiwalian ay agad nilang inaaresto, ipinakukulong at kinukumpiska ang kanilang yaman.

Dito sa ating bansa, ang haba ng proseso bago makasuhan man lang ang mga tiwaling opisyales ng gobyerno. Hindi kaagad nakapagsasampa ang Department of Justice (DOJ) lalo na kung hindi sila napupukpok.

Kapag nakasuhan na, ang tagal naman bago magbaba ng sentensya ang mga korte at karaniwang naaabsuwelto ang mga corrupt dahil sa kakulangan daw ng ebidensya o nadale ng teknikalidad.

Daan-daang bilyon piso ang pinaghati-hatian ng mga corrupt official at mga kontraktor kaya may kakayahan ang mga ito na kumuha ng mga de kampanilyang abogado para sila ay ipagtanggol sa korte.

Maraming magagaling na law offices na siguradong mahal ang presyo pero gagastusan iyan ng mga tiwaling opisyales ng gobyerno at mga contractor para hindi sila maparusahan at saka barya lang ‘yan sa kinita nila sa katiwaliang ito.

Kaya huwag nating tantanan ang isyung ito dahil napakadaling makalimot ang karamihan sa atin lalo na kung ang tagal magdesisyon ang mga korte na hahawak sa mga kasong isasampa sa lahat ng mga sangkot sa katiwaliang ito.

Sigurado habang bumabaha dahil panahon ngayon ng tag-ulan at marami pang bagyong darating hanggang December, ay iinit pa ang isyung ito pero pagdating ng Enero hanggang Abril na panahon ng tag-init, baka magkalimutan na naman dahil hindi na tayo binabaha.

Kaya kailangang magbantay tayong lahat dahil pera natin ang kanilang ninakaw na pinagpasasaan ng kanilang pamilya at fine-flex pa sa social media habang ang pinagnakawan nila ay nalululubog sa baha at kung minsan ay naging dahilan pa ng kamatayan ng mga biktima nila.

Hindi lang flood control ang dapat nating bantayan kundi lahat ng mga proyekto ng gobyerno tulad ng mga road maintenance na nakadududa dahil kahit hindi pa sira ay binabakbak na ng contractor ng DPWH para gastusan ulit ng mamamayan.

33

Related posts

Leave a Comment