ILANG MAMBABATAS ‘GRADUATE’ NA SA KAMARA

NAGPAALAM na ang ilang miyembro ng mababang kapulungan ng Kongreso na hindi na kasama sa 19th Congress na magsisimula sa Hunyo 30 ng tanghali.

Sa pamamagitan ng privilege speech, pormal na nagpaalam sa mga kapwa mambabatas si ACT-CIS party-list Representative Rowena “Niña” Taduran dahil hindi ito kabilang sa tatlong kinatawan na uupo sa 19th Congress.

“It was a rollercoaster ride, but I can humbly say I made it as a first termer,” ani Taduran na tumatayong assistant majority leader at dating broadcaster bago naging kinatawan ng ACT-CIS party-list.

Si Taduran ang ikatlong nominee ng ACT-CIS  noong 2019 election subalit sa hindi malinaw na dahilan ay hindi ito kasama sa mga nominado ng partido sa katatapos na eleksyon kung saan nakakuha ang mga ito ng tatlong upuan para sa 19th Congress.

Matapos naman ang anim na taon o dalawang termino sa Kongreso bilang kinatawan ng lone district ng Sarangani province, nagpaalam na rin si Rep. Rogelio “Ruel” Pacquiao para gampanan ang kanyang bagong tungkulin bilang gobernador ng nasabing lalawigan.

“The hard work, sincerity and passion of our House Members will forever serve as inspiration as I move on to the next chapter of my career as a public servant,” pahayag ni Pacquiao.
Maging si Manila 3rd District Congressman  Rep. John Marvin “Yul Servo” Nieto na nakadalawang termino sa Kongreso ay pormal nang nagpaalam sa Kongreso matapos manalong vice mayor ng lungsod.

“Mga kasama, itinuturing ko po na isang malaking pribilehiyo ang makasama kayo sa aking dalawang termino sa Kongreso. Anim na taon na serbisyo para sa bayan, serbisyo para sa Pilipino. Maraming salamat po,” ani Nieto.

Kasama rin sa mga nagpaalam ang tatlong kinatawan ng Bayan Muna party-list na sina Reps. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat.

Si Zarate ay nakatapos ng tatlong termino habang unang termino pa lamang nina Gaite at Cullamat subalit hindi pinalad ang kanilang partido na manalo sa nakaraang eleksyon matapos ang 20 taon. (BERNARD TAGUINOD)

409

Related posts

Leave a Comment