SA gitna ng matinding pagbuhos ng ulan sa Metro Manila, araw ng Lunes, kapansin-pansin ang malaking tulong ng Pasig-Marikina River Channel Improvement Project PMRCIP ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, dahil sa proyektong ito, hindi umapaw ang ilog at naprotektahan ang mga residente ng Marikina at Pasig City mula sa matinding baha lalo na’t ilang linggo nang walang tigil ang pag-ulan.
Aniya, ayon sa Public Works and Highways, sa pangunguna ni Secretary Vince Dizon, utos ng Pangulo na padaliin ang konstruksyon ng flood mitigation structures sa kahabaan ng Marikina River katuwang ang Japan International Cooperation Agency o JICA.
Sa ngayon ani Castro ay nasa 53% na ang construction project ng naturang proyekto. Kasama rin dito ang pagtatayo ng floodgates, pumping stations at iba pang istruktura upang makontrol ang tubig sa Manggahan Floodway at tuluyang mabawasan ang humigit-kumulang 63% ang mga binabahang lugar na sakop ng Pasig-Marikina River Basin.
Samantala, nakatutok aniya si Pangulong Marcos sa sitwasyon sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa ng patuloy na nakakaranas ng matinding pag-ulan.
Patuloy aniya na naka-monitor ang Pangulo upang mabantayan ang seguridad ng mga residente sa mga apektadong lugar.
Utos ng Chief Executive sa lahat ng ahensya na iprayoridad ang kaligtasan ng mga residente at siguruhing maaabot ng tulong ang mga nasalanta ng baha.
Sa kabilang dako, ang Office of the Civil Defense ay naglabas ng kanilang response cluster member agencies upang agad na magbigay tulong hindi lang aniya sa mga local government units kung hindi sa lahat ng mga apektadong residente.
Ipinag-utos na rin ang libreng sakay sa Metro Manila habang naka-standby ang search and rescue units, samantala ay patuloy naman ang relief operations ng pamahalaan.
Tiniyak din aniya ng gobyerno ang tuluy-tuloy na clearing operations at medical assistance sa mga sinalanta ng baha.
(CHRISTIAN DALE)
72 