INANUNSYO ni Philippine National Police Officer-in-Charge PLtGen. Guillermo Lorenzo Eleazar ang pagkakaaresto sa isang police major at apat nitong tauhan dahil sa kanilang ginawang pangingikil.
Sila ay sina Police Major Orlyn Leyte, Officer-in-Charge ng Police Station 9 ng Zamboanga City Police Station at apat na miyembro ng PS 9 Station Drug Enforcement Unit na kinabibilangan nina PSSg. Hegenio Salvador, PSSg. Asser Abdulkadin, PCpl Ismael Sasapan at PCpl. Juman Arabani.
Ang lima ay hinuli ng pinagsanib na operatiba ng Mindanao Field Unit (MFU) IMEG,RIU9, RID, RSOG-PRO9, HPG9, Zamboanga CPS at 55th SAC sa law enforcement operational dakong alas-6:45 ng hapon noong Lunes sa Brgy. Ayala, Zamboanga City.
Buti na lang hindi pumalag ang mga ito dahil kung nagkataon ay baka may nagbuwis na naman ng buhay sa kanila.
Base sa imbestigasyon, nagkaroon daw ng entrapment operation ang mga awtoridad na nasa tama o panig po gobyerno ha, linawin po natin kasi parehas silang mga pulis.
May nagreklamo laban sa grupo ni Major Leyte na nakilalang si Mrs. Melanie Casebuena Saloria, 57-anyos, negosyante, residente ng Zone 3B, Brgy. Cawit, Zamboanga City na hinihingan daw siya ng mga pulis ng P90k.
Ito raw po ay areglo sa pagkakasangkot ng ginang sa ilegal na droga.
Kaya naman naglatag ng entrapment operations ang pinagsanib na pwersa ng mga awtoridad laban sa limang lespu. Kaya ayun timbog ang mga ungas!
Nakuhang ebidensiya laban sa kanila ay marked money na nagkakahalaga ng P2k, 88 piraso ng 1k peso bills boodle money at Beretta 9mm Pistol na kargado ng tatlong (3) magazines.
Ang mga ungas ay isinailalim na sa restrictive custody ng City Director ng Zamboanga City Police Office para sa kaukulang disposisyon.
“The PNP will not tolerate our personnel who are engaging in any unlawful and illegal acts. Officers must serve as role model to their subordinates,” ayan ang sinabi ni Gen. Eleazar.
Malinaw yang sinabi ni PLtGen. Eleazar….role model Major Leyte ha! Hindi sa pagiging kotongero! Kundi sa mabuting gawain.
Sayang ang pagsusunog mo ng kilay bago mo naabot ang ranggo mo ngayon, tapos sisirain mo lang sa halagang P90k?
Isang hakbang na lang kernel ka na at kalaunan ay baka matulad ka pa kay PLtGen. Eleazar na tagamando na lang ngayon sa mga pulis sa buong bansa.
Lagi nyo kasing itatanim sa mga utak nyong mga nasa gobyerno na ang maling gawain ay hindi maitatago yan.
Kung isang beses, pangalawa at pangatlo ay nakalusot kayo baka sa pang-apat ay timbog na kayo.
Kakahiya dahil kayo pa man din ang tagapagtupad ng batas, pero kayo rin ang gumagawa ng labag sa batas.
Yang ginawa nyo ay habambuhay na kahihiyan yan hindi lang sa inyo kundi ng buong kamag-anak nyo.
Sigurado nang makapasok kayo sa PNP ipinagmalaki kayo ng mga kamag-anak nyo dahil may pulis silang kapamilya at lalo pa may ranggo pa kayo Major Leyte.
Pero ngayon maipagmamalaki pa kayo ng mga kamag-anak ninyo sa ginawa mo? Baka itanggi pa kayo ngayon ng mga kamag-anak nyo.
Ngayon pag nahubaran na kayo ng mga uniporme nyo, anong magiging mga trabaho nyo?
Mas lalo kayo ngayong papasok sa ilegal na gawain dahil nuon ngang awtorisado pa kayong magsuot ng uniporme nyo ay hindi kayo nag-atubiling gumawa ng masama.
Matagal nang suhestiyon ng PUNA sa pamunuan ng PNP na i-monitor nila ang mga pulis na nasibak sa kanilang serbisyo kung ano ang kanilang pinagkakaabalahan.
Hindi lingid sa kaalaman nating lahat na ang mga nahuhuling kriminal ay nahuhulihan ng matataas na kalibre ng baril.
Kalaunan sa kinalalabasan ng imbestigasyon ang lider ng sindikato ay dating pulis o kaya dating sundalo.
Hindi porke’t madalas tayong nagsusulat ng negatibo laban sa hanay ng PNP ay para sirain sila kundi gusto natin maihiwalay ang bulok sa matino.
Kawawa naman ang mga nagsisikap at nagsasakripisyo na maibalik ang magandang imahe ng PNP, tapos ang iba ay taliwas ang kanilang ginagawa.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.
245
