JBC SINIMULAN NA PUBLIC INTERVIEW SA MGA APLIKANTE SA SC ASSOCIATE JUSTICE POST

SINIMULAN na ng Judicial and Bar Council (JBC) ang public interview sa mga aplikante para sa nababakanteng posisyon ng Associate Justice ng Supreme Court (SC) kaugnay ng nakatakdang compulsory retirement ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier sa Nobyembre 16, 2026.

Unang sumalang sa panayam sina Bureau of Immigration Deputy Commissioner Aldwin Alegre at Legal Education Board Chairperson Jason Rueda Barlis.

Sa hapon naman ay humarap sa JBC sina Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Faith Econg at Court of Appeals Associate Justice Lily Villareal Biton.

Dumalo rin sa public interview ang mga miyembro ng JBC na sina Justice Secretary Fredderick A. Vida at Congresswoman Gerville R. Luistro bilang mga ex officio member.

Kabilang din sa mga nagtanong sa mga aplikante sina retired SC Associate Justice Jose Catral Mendoza, Court of Tax Appeals Associate Justice Erlinda Piñera Uy, at Atty. Jose V. Mejia.

Unang batch pa lamang ito ng mga aplikanteng sasailalim sa panayam. Nakatakda ring humarap ang apat pang aplikante sa darating na Huwebes.

Gayunman, ayon sa JBC, hindi na kailangang sumailalim sa panibagong interview ang 11 aplikante dahil mananatiling balido ang kanilang mga naunang panayam para sa mga nabakanteng posisyon sa Korte Suprema.

Pinapayagan din ng konseho ang publiko na magsumite ng mga sinumpaang reklamo, ulat o pagtutol laban sa alinman sa mga aplikante, alinsunod sa mga tuntunin ng JBC.

(JULIET PACOT)

98

Related posts

Leave a Comment