HINILING ni Senador Sonny Angara sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na upahan ang mga artist na nawalan ng trabaho na magpinta sa mga pader sa Pasig River at EDSA upang magkaroon sila ng pagkakakitaan.
Sa ginanap na pagdinig ng 2021 national budget, sinabi ni Angara na may umiiral na programa ang MMDA sa pagpipinta ng mga pader sa naturang lugar na maaaring gawing hakbang ng NCCA upang matulungan ang mga artist na nawalan ng trabaho sa pandemya.
Aniya, bilang bahagi ng pagkilos sa pagbuhay sa Pasig River, kumakalap ng artists ang MMDA upang magpinta ng mural sa mga pader at gilid ng Pasig River.
“Maybe the NCCA could recommend some of the artists who need some commissions to the MMDA so there’s a source of income for them because I’m sure kahit papaano yung market for their services have been affected somewhat,” ayon kay Angara, chairman ng Senate committee on finance.
Pinatatakbo rin ng MMDA ang Pasig River Ferry System na sumusuporta bilang maaasang alternatibong transportasyon ng mga residente ng Metro Manila.
Sa ilalim ng 2020 national budget, naglaan ang MMDA ng P176 milyon para sa pagbili ng apat na 50-seater air-conditioned ferry boats na karagdagdagan sa kasalukuyang bilang nito.
Sa kabilang dako, nagbibigay naman ng ayuda ang NCCA sa libo-libong artists na nawalan ng trabaho sanhi ng pandemya.
Nitong Agosto, nakapagbigay ang NCCA ng one-time cash assistance sa halagang P5,000 sa mahigit 10,000 artist na pawang freelance workers na hindi nakatatanggap ng regular na sahod.
“Ang mga freelancers natin tulad ng mga artists ay talagang hirap na hirap na dahil no work, no pay sila.
Wala silang mga projects sa panahon ng pandemya kaya isa sila sa mga sektor na pinaka-apektado. Kailangan natin maghanap ng paraan para sila ay matulungan,” ayon kay Angara.
Bukod sa pader sa Pasig River, puwedeng papintahan din ng MMDA ang mga pader sa mga pangunahing lansangan tulad ng EDSA.
“Ang dami natin magagaling na mga artists na nasasayang lang ang talento dahil sa pandemiya na ito.
Gamitin natin ang mga willing na tumulong. Makakatulong na tayo sa mga naghihirap sa panahon na ito, mapapaganda pa natin ang ating kapaligiran,” ayon kay Angara. (ESTONG REYES)
165 