BINATIKOS ng Partido Manggagawa (PM) ang agawan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Representative Lord Allan Velasco sa pinakamataas na posisyon sa mababang kapulungan ng
Kongreso dahil sa ang mga batayan nila ay “kaarawan” at “pera.”
Diretsong binansagan ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng PM, sina Cayetano at Velasco na mga “totoy” nang malaman ng lider-manggagawa na kaarawan at ang P4.5 trilyong panukalang badyet ng administrasyong Duterte ang batayan ng dalawang mambabatas sa agawan nila sa posisyong speaker.
“Diosmio ang mga totoy na ito. Mañanita at kaha ng bayan ang basehan ng mga desisyon,” bigwas ni Fortaleza.
Ang pahayag na ito ni Fortaleza ay batay mismo sa sinabi ni Cayetano na: “When we made the 15-21, and Senator Bong Go was there, the agreement was very clear: I have two budgets that I will pass, and that I will celebrate my birthday as the Speaker.”
Sumagot naman si Velasco na kaarawan din niya sa Nobyembre 9.
Inamin at iginiit pa ni Cayetano na “sentimental” sa kanya ang kanyang ika-50 taong kaarawan.
Ang badyet na tinukoy ni Cayetano ay ang para sa 2020 na P4.1 trilyon at para sa 2021 na P4.5 trilyon.
Paksa ngayon sa Kamara de Representantes ang P4.5 trilyon.
Ang reklamo rito ng kampo ni Velasco ay hindi patas dahil P8 bilyon ang inilaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa distritong nasasakupan ni Cayetano sa lungsod ng
Taguig at buong Pateros, samantalang P11.8 bilyon naman sa distrito dos ni Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte Jr.
“Hindi makatuwiran. Parang mga batang paslit na nag-aagawan sa kendi [ang mga batayang iginiit nina Cayetano at Velasco],” ratsada ni Fortaleza.
Idiniin ng lider-manggagawa na ang mainam na pinag-uusapan ng dalawa ay ang mga problema ng mga batayang masa tulad ng malawakang tanggalan ng mga manggagawa sa kanilang mga kumpanya.
Kinumpirma ng Philippine Statistics Office (PSA) na libu-libong manggagawa ang nawalan ng trabaho na nagsimula nitong unang kwarter ng taon. (NELSON S. BADILLA)
211 