KAHANDAAN NG GOBYERNO SA SUPER EL NIÑO, PINASUSURI SA SENADO

elnino2

ISINUSULONG ni Senator Jinggoy Estrada ang isang resolusyon upang busisiin ng Senado ang paghahanda ng mga ahensya ng gobyerno kaugnay ng babala ng weather bureau hinggil sa posibleng “super-sized” na El Niño na maaaring maranasan sa bansa hanggang 2027.

Inihain ni Estrada, pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 12287 o ang “Declaration of State of Imminent Disaster Act,” ang Senate Resolution No. 656, na naglalayong magtalaga ng komite sa mataas na kapulungan upang magsagawa ng kaukulang imbestigasyon.

Sinabi ni Estrada na hindi dapat magpahuli ang Senado sa pagkilos lalo’t may mga babala na mula sa weather bureau at international experts hinggil sa posibleng paglala ng El Niño.

Ayon sa senador, kailangang tiyakin na handang tumugon ang gobyerno hindi lamang sa papel kundi sa aktuwal na sitwasyon kapag tumindi ang epekto ng matinding init at tagtuyot.

Binanggit ni Estrada na isinabatas ang RA 12287 upang tugunan ang mga inaasahang panganib na maaaring magkaroon ng matinding epekto sa mamamayan.

Ang batas, na pinangunahan ni Estrada sa Senado, ay naglalayong magbigay-daan sa pamahalaan na magdeklara ng “State of Imminent Disaster” bago pa man tumama ang isang kalamidad, gayundin ang pagsasagawa ng mga paghahanda at emergency measures at paglalaan ng kinakailangang pondo.

Sa kanyang SRN 656, binanggit ni Estrada ang abiso ng PAGASA na mayroon nang umiiral na “moderate” hanggang “strong” El Niño sa tropical Pacific at maaari pa itong maging mas matindi bago matapos ang taon.

Iginiit ni Estrada na nangangailangan ang isang exceptional El Niño ng mas pinaigting na paghahanda at pagtugon mula sa pamahalaan.

Sa harap ng banta ng El Niño, isinusulong din ni Estrada na gamitin ng Senado ang oversight powers nito o pagsubaybay upang matiyak na maayos na naipatutupad ang RA 12287 at iba pang umiiral na batas ukol sa disaster response, kabilang ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act at Climate Change Act, sa mga komunidad.

(DANG SAMSON-GARCIA)

72

Related posts

Leave a Comment