KAMARA, LGU SANIB-PWERSA SA PAGPROTEKTA SA MGA BATA ONLINE AT OFFLINE

INIHAYAG ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Miyerkoles na kapwa may pananagutan ang Kongreso at mga lokal na pamahalaan sa pagprotekta sa mga bata online at offline. Aniya, pinatitibay ng mga mambabatas ang mga legal na pananggalang habang tinutulungan naman ng mga lokal na opisyal na maisalin ang mga ito sa aktuwal na proteksyon sa mga paaralan, tahanan at komunidad.

Sa kanyang talumpati sa 2026 League of Municipalities of the Philippines (LMP) Visayas Island Cluster Conference sa Royce Premium Hotel sa Clarkfield, Pampanga, inilahad ni Dy ang mga panukalang hakbang hinggil sa responsableng pagmamay-ari ng baril at paggamit ng social media ng mga bata. Binigyang-diin niya ang magkatuwang na papel ng pambansa at lokal na pamahalaan sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga bata.

“Ito ang gusto nating partnership sa pagitan ng national at local governments. Gumagawa tayo ng mga batas sa Kamara, pero sa ating mga bayan at barangay natin nakikita kung gumagana ba ang mga ito,” ani Dy.

“Kailangan natin ang ating mga mayor, barangay officials, kapulisan, paaralan, social workers, at mga magulang upang gawing tunay na proteksyon sa ating mga anak ang mga batas na ito.”

Dinaluhan ng mga alkalde mula sa iba’t ibang bahagi ng Visayas ang kumperensya na may temang “Building Responsive and Future-Ready Municipalities Through Convergence, Collaboration, and Regional Integration.” Pinamumunuan ang LMP ni National President Faustino “Inno” Dy V, alkalde ng Echague, Isabela.

Sinabi ni Dy na ipinakita ng mga kamakailang insidente ng pamamaril sa mga paaralan ang pangangailangan para sa mga hakbang na pang-iwas sa mga komunidad at mas mahigpit na pananggalang laban sa hindi awtorisadong pagkuha ng mga baril. Binanggit niya ang House Bill No. 11387, o ang panukalang Responsible Firearm Ownership and Safe Storage Act, na inihain niya kasama si Majority Leader Sandro Marcos.

Layunin ng panukala na higpitan ang mga kinakailangan sa ligtas na pag-iimbak ng mga baril, gawing mandatoryo ang pagsasanay sa kaligtasan sa paggamit ng baril, at palakasin ang pananagutan kapag dahil sa kapabayaan ay nakakuha ng baril ang isang menor de edad o ibang hindi awtorisadong tao.

“This is the principle behind the bill: responsible gun ownership must include responsible gun storage,” ani Dy.

Binanggit din ng Speaker ang House Bill No. 9965, o ang panukalang Children’s Social Media Safety Act, na inihain niya kasama sina Senior Deputy Speaker Dinand Hernandez at Majority Leader Marcos.

Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang mga social media account para sa mga batang wala pang 13 taong gulang at kakailanganin ang pahintulot at pangangasiwa ng magulang para sa mga edad 13 hanggang wala pang 18.

Inaatasan din nito ang mga social media platform na magpatupad ng age verification, parental controls at mga pananggalang laban sa mapanganib na content.

Sinabi ng Speaker na kailangan ang naturang panukala dahil “our responsibility to protect a child does not end when that child goes online.”

“Whether they are walking into a classroom or logging onto a social media platform, our children deserve an environment designed with their safety in mind.”

Hinimok ni Dy ang mga LGU na makipagtulungan nang malapitan sa mga barangay, pulisya, paaralan, magulang at mga tanggapan ng social welfare upang maiwasan ang karahasan, matugunan ang mga banta sa kaligtasan at mapalakas ang pagtugon sa mga emergency.

“Genuine peace and order is not just about responding when an incident occurs. It is about acting early to prevent tragedy before it happens,” aniya.

Batay sa kanyang karanasan bilang dating lokal na punong ehekutibo, sinabi ng Speaker na mahalagang ugnayan ang mga alkalde sa pagitan ng pambansang pamahalaan at ng mga mamamayan.

Aniya, nakatutulong din ang kanilang karanasan at mga rekomendasyon sa paggawa ng mga batas na tumutugon sa pangangailangan ng mga komunidad.

“Bilang dating local chief executive, alam kong ang mga mayor ay hindi lamang implementers of government programs. Kayo rin ang mahalagang tulay sa pagitan ng national government at ng ating mga mamamayan,” ani Dy.

Binigyang-diin niya na dapat tiyakin ng pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan na ang mga batas, programa at pondo ay maisalin sa mga serbisyo at proteksyon sa bawat munisipalidad.

“Ang tagumpay ay mararamdaman natin sa kapanatagan ng mga magulang, sa kaligtasan ng ating mga anak, at sa tiwala ng ating mga kababayan sa atin pong pamahalaan.”

45

Related posts

Leave a Comment