EBIDENSYA SA ‘NO EL 2028’ HAMON NG PALASYO KAY IMEE

HINAMON ng Malakanyang si Senador Imee Marcos na maglabas ng ebidensya kaugnay sa alegasyon nitong may plano umano ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na amyendahan ang 1987 Constitution para sa term extension at election postponement.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, mas makabubuting patunayan muna ni Imee ang kanyang mga pahayag kaysa idawit ang Pangulo sa umano’y walang basehang alegasyon.

Binigyang-diin ni Castro na hindi kailanman naging usapin sa mga pagpupulong sa Palasyo ang Charter change o Cha-cha.

“Ang daming meetings ng Pangulo pero hindi po iyan ang nagiging agenda dahil walang balak sa ganiyan. Hindi po iyan priority ng Pangulo at hindi po iyan gagawin,” ani Castro.

Matatandaang sinabi ni Senador Marcos na may umano’y planong palawigin hanggang 2031 ang termino ng Pangulo at mga mambabatas at posibleng itaas ang retirement age qualification para sa mga kakandidato sa pagkapangulo bilang bahagi umano ng estratehiya laban kay Vice President Sara Duterte.

Iginiit naman ni Castro na nakatuon ang Pangulo sa governance concerns at iba pang mahahalagang usapin gaya ng epekto ng El Niño.

“Meron tayong batas. Maliwanag na 2028, supposed to be may eleksyon. Huwag nating ibaling sa Pangulo dahil ang Pangulo ay sa batas,” ani Castro.

Ayon pa sa Palace official, mismong si Pangulong Marcos na umano ang nagsabing hindi solusyon sa problema ng bansa ang Charter change.

“Sa aking paningin, itong ginawa ni Senator Imee, pantakip ito sa mas malaking isyu ng impeachment trial at maliban diyan, pagtakip ito sa pagtatakas kay Senator Bato dela Rosa na nasa custody nila,” pahayag ni Castro.

Hinimok din nito ang publiko na huwag basta maniwala sa mga haka-haka.

(CHRISTIAN DALE)

49

Related posts

Leave a Comment