KAMARA ISASARA MUNA PARA SA DISINFECTION

BILANG preparasyon sa pagbabalik-trabaho ng mga mambabatas sa Mayo 17, 2021, isasara muna ang lahat ng mga tanggapan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Base sa memorandum na inilabas ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza, walang pasok sa Batasan Complex mula Mayo 10 hanggang 14.

Ito ay dahil isasailalim sa disinfection ang lahat ng mga tanggapan sa Batasan Complex at maihanda ito sa pagbabalik ng sesyon ng mga mambabatas mula sa isa’t kalahating buwang session break.

Tatlong linggo na lang ang natitirang sesyon ng Kongreso sa 2nd Regular Session ngayong 18th Congress o mula Mayo 17 hanggang Hunyo 4.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na ilang mga mambabatas at mga empleyado ng Kapulungan ang dinapuan ng COVID-19 mula nang manalasa ito noong Marso 2020.

Walang report si Mendoza kung ilang mambabatas na ang tinamaan ng COVID-19 at maging ang mga empleyado ng mga ito, dahil nakabakasyon pa ang Kongreso at natigil ang lingguhang antigen test.

Gayunpaman, kailangang umanong i-disinfect ang lahat ng mga tanggapan ng Batasan Complex bago bumalik ang mga mambabatas at kanilang mga empleyado sa trabaho upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Mula Hunyo 5, 2021 hanggang Hulyo 26, 2021 ay nasa bakasyong muli ang mga mambabatas at babalik ang mga ito sa Hulyo 26, 2021 kasabay ng huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte. (BERNARD TAGUINOD)

137

Related posts

Leave a Comment