Kapag nasangkot sa game fixing P5-M MULTA O KULONG SA ATLETA

UMUSAD na ang panukalang batas na magpapataw ng mas malaking multa o kulong na hanggang anim na taon laban sa mga atleta na masasangkot sa game fixing o sadyang ipinatatalo ang laban dahil sa pustahan.

Ito ay matapos simulang talakayin sa House Committee on Youth and Sports, na pinamumunuan ni Manila Rep. Yul Servo Nieto, ang dalawang panukalang batas para amyendahan ang Presidential Decree No. 483 laban sa mga game fixer.

Ayon kay Servo, hindi na naaayon sa panahong ito ang nasabing batas na inakda pa noong 1974, na nagpapataw ng P2,000 lamang sa mga manlalaro na nagbebenta ng laro.

“Ito po ang dahilan kung bakit namamayagpag pa rin sila sa sektor ng palakasan. Ayaw po natin itong magpatuloy sa ngalan ng integridad ng bawat palaro natin gayundin ng ating mga manlalaro. Sa isinusulong po natin na batas, mas madali silang matutukoy at mapapanagot,” ani Nieto.

Maning-mani aniya ang multang ito dahil milyong-milyon ang kinikita ng mga nagbebenta ng laro na kinakasabwat ng mga sindikato upang matalo ang kanilang kapustahan.

Dahil dito, kailangan aniyang ipasa ang House Bill (HB) 1226 na inakda nina Reps. Enrico Pineda at Michael Odylon Romero, at HB 5218 ni Ilocos Norte Rep. Angelo Marcos Barba.

Base sa nabanggit na mga panukala, ang sinumang manlalaro, lalo na sa basketball, na magbebenta ng laro ay papatawan ng tatlo hanggang anim na taong pagkabilanggo.

Kung hindi man, ay pagmumultahin ang mga ito ng P1 milyon hanggang P5 milyon at tatanggalan ng lisensya na maglaro sa anumang uri ng palakasan sa bansa.

Bukod sa multa ay pababayaran din sa mga mapatutunayang guilty sa game fixing, ang kabuuang halaga na ibinayad sa mga ito sa ibinentang laro. (BERNARD TAGUINOD)

206

Related posts

Leave a Comment