KAILANGAN pa ring sumailalim sa self quarantine ang sinomang may nakasalamuhang positibo sa COVID-19 kahit pa nagnegatibo sila sa covid test.
Nakasaad ito sa ilalim ng Department of Health Guidelines.
Ayon kay Dr. Beverly Ho, director ng Health Promotion and Communication Service, sa oras na makumpleto ang quarantine kahit pa man asymptomatic at negatibo sa covid test ay saka pa lamang dapat bumalik sa normal activities ang indibidwal na may exposure sa isang COVID-19 positive.
Malinaw rin sa direktiba ng World Health Organization (WHO) ang kahalagahan ng quarantine sa mga na-expose sa covid positive patient kahit ano pa man ang resulta ng isinagawang test dahil ang COVID-19 ay maaaring mag-develop sa pagitan ng dalawa hanggang 14 araw pagkatapos ng exposure.
Ang pag-obserba sa tamang health protocol partikular na sa usapin ng quarantine ay lumutang kasunod na rin ng naiulat na paglabag mismo nina House Speaker Lord Allan Velasco, Deputy
Speaker at 1Pacman Party-list Rep. Mikee Romero, Diwa Partylist Rep. Mike Aglipay at House Secretary-General Dong Mendoza na nagkaroon ng direct exposure kay TESDA Director Isidro Lapeña na nagpositibo sa virus.
Ayon sa report, kasama ng mga House Leader sa isang dinner sa Shangri-La Taguig si Lapeña at iba pang Philippine Military Academy Alumni noong Nobyembre 19.
Nakadalo pa sa hearing sa Senado noong Nobyembre 20 si Lapeña kaya si Sen. Joel Villanueva na may direct contact dito ay nag-obserba ng quarantine ngunit sina Velasco, Mendoza at Romero ay patuloy na nakikita sa Kamara at dumadalo sa kanilang official function.
Sinabi ni Aglipay na nang magpositibo si Lapeña sa virus ay sumailalim silang lahat na dumalo sa dinner meeting sa covid test at lahat sila ay nagnegatibo.
Sa panig ni Aglipay, sinabi nito na inobserba nya ang quarantine at nanatili lang sa bahay subalit sina Velasco, Romero at Mendoza ay dumadalo pa sa iba’t ibang hearing sa Kamara.
Sa ngayon ay negatibo na si Lapeña sa virus subalit nanatili siya sa isolation kahit pa man siya ay asymptomatic.
Sni Lapeña, istrikto nyang sinusunod ang protocols pero nalusutan pa rin kaya gusto nyang ma-trace kung saan nya nakuha ang virus upang matigil ang pagkalat nito.
Hindi naman maikubli ng mga staff ng Kamara ang inis sa ginawa nina Romero at Velasco na naglalagay sa panganib sa kalusugan ng lahat. (DAVE MEDINA)
214 