KASAMBAHAY NATAGPUANG PATAY SA BAHAY NG AMO

patay

PALAISIPAN sa mga awtoridad ang sanhi nang pagkamatay ng isang 35-anyos na kasambahay makaraang matagpuang nakahandusay sa kusina ng pinaglilingkurang bahay sa Sta. Mesa, Manila.

Pansamantalang inilagak sa Cruz Feneral Morgue para sa kaukulang awtopsiya ang labi ng biktimang kinilalang si Mariatess Acebuche , tubong Samar, at stay-in sa bahay ng amo sa Brgy. 599, Sta. Mesa.

Batay sa ulat ni Det. Jero Santos na isinumite kay P/Lt. Dennis De Jesus, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-9:30 ng umaga nang madiskubreng patay si Acebuche na nakahandusay sa semento sa kusina.

Isang Jan Victor Albert Francisco, 35-anyos, ang nakadiskubre sa bangkay, nang magtungo ito sa bahay ng kanyang lola.

Kumatok umano si Francisco ngunit walang nagbubukas ng pinto kaya naisipan nito na magpunta sa likod ng bahay at nasilip ang kasambahay na nakahandusay.

Agad nitong ipinagbigay-alam sa nakasasakop na barangay ang natuklasan at saka sapilitang dinistrungka ang pinto at tumambad ang wala nang buhay na biktima.

Ini-report nila ito sa tanggapan ni P/Lt. Col. Dionelle Brannon, commander ng MPD-Sta. Mesa Police Station 8, na iniutos naman na ikordon ang lugar bago ipinagbigay-alam ang insidente sa Homicide Section. (RENE CRISOSTOMO)

143

Related posts

Leave a Comment