KONEKTADONG PINOY: LABAN O BAWI?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ALANGANIN o pabor sa mga Pilipino ang panukalang Konektadong Pinoy?

Magkasalungat na naman ang mga Pinoy sa isyu ng panukalang Konektadong Pinoy na kilala ring Open Access in Data Transmission Act.

Habang may mga nanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lagdaan na ito ay may humirit din na i-veto ng Pangulo ang panukala at magpasa ng mas mahusay na bersyon sa susunod na Congress.

Malamang pinagpapawisan ang Pangulo sa gagawing desisyon. Kahit masusing pag-aaral ang gawin niya, at kahit timbangin niya ang epekto ng bill ay tiyak kulang pa rin ang kahahantungan nito.

Kung maisasabatas ang panukala ay sigurado bang bababa ng hanggang 50 porsyento ang presyo ng internet at bibilis ang pagpapalawak ng broadband sa buong bansa?

Sabagay, mahal ang internet sa Pilipinas kumpara sa ibang karatig-bansa.

Pwedeng bumaba ang presyo kung maraming kakumpitensya.

Madaling isipin ang mga benepisyo. Masarap asaming mawawala na ang bagal ng koneksyon. Madali ngang magbato ng mga positibong epekto, ngunit kapag andyan na ay wala pa ring pagbabagong mararamdaman ang madla.

Sa mga letra maganda pero pagdating sa arangkada ay ala ring binesa.

Teka, layunin ng panukala na gawing simple ang proseso ng permits, paghikayat sa infrastructure sharing, at pag-alis ng requirement para sa Congressional franchise sa mga bagong internet service providers na papasok sa bansa. Ito ay ilan sa mga probisyon sa Konektadong Pinoy na inalmahan ng ilang grupo dahil anila ay maaaring makasama sa pambansang seguridad at maglalagay sa publiko sa banta ng cybersecurity.

Maaari na raw kasing magtayo ng mga cable landing station at international gateway facilities ang kompanya sa Pilipinas nang walang kinakailangang mga clearance na bahagi ng legislative franchise na ibinibigay ng Kongreso.

Kaya, dapat bang i-veto ni PBBM ang Konektadong Pinoy, at magpasa ng mas mahusay na bersiyon sa 20th Congress?

Ibig bang sabihin ay hindi binusisi nang maayos ang panukala?

Kung may butas – pasakan. Ang sira, ayusin.

Ang anomang plano para sa publiko ay dapat konektado sa kapakanan at proteksyon ng mga tao.

82

Related posts

Leave a Comment