OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
NANGUNGULILA at labis ang pag-aalala ngayon ng pamilya ni Ashnia Abdul Pagetudin, isang overseas Filipino worker (OFW), na ilang taon nang hindi nakakausap o nakatatanggap ng balita mula sa kanya. Dahil sa matagal nang kawalan ng komunikasyon, nanawagan ang pamilya sa publiko at sa mga awtoridad upang matulungan silang mahanap ang nawawalang kaanak.
Ayon sa pamilya, huling nakita si Ashnia sa Taguig City batay sa talaan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Ang kanyang huling tala sa OWWA ay mula pa noong 2016, nang umalis siya ng bansa upang magtrabaho sa ibang bayan. Simula noong 2021, tuluyan nang naputol ang komunikasyon sa pagitan ni Ashnia at ng kanyang pamilya sa Pilipinas.
Sa pahayag ng kanyang kapatid na si Rohana Dimapalao, sinabi nito ang matinding pangamba ng pamilya sa kalagayan ni Ashnia. “Matagal na kaming nag-aalala sa kaligtasan at kalagayan ni Ashnia. Ilang taon na kaming umaasa na makakabalik ang komunikasyon sa kanya, pero hanggang ngayon ay wala kaming balita,” ayon kay Dimapalao.
Nang tanungin ang OWWA tungkol sa status ni Ashnia, ang tanging impormasyon sa kanila ay ang kanyang tala mula 2016 at wala nang sumunod na entry sa sistema upang matukoy kung nakabalik na nga ba sa bansa ang OFW. Dahil dito, umaasa ang pamilya na sa tulong ng publiko at ng pamahalaan ay matutukoy ang kinaroroonan ni Ashnia.
“Kung sino man ang nakakakilala kay Ashnia Abdul Pagetudin, nakikiusap po kami sa inyo na ipaalam sa kanyang kapatid na si Rohana Dimapalao sa pamamagitan ng kanyang WhatsApp number na +97450992963. Anumang impormasyon ay malaking tulong sa pamilya upang matiyak ang kaligtasan at kalagayan ni Ashnia,” apela ng pamilya.
Hangad ng pamilya, lalo na ang kanyang ina, na muling makasama si Ashnia sa lalong madaling panahon. Lubos ang pangamba at takot sa kanilang pamilya ngunit kabila ng mga taon ng paghihintay ay umaasang isang araw ay makababalik si Ashnia sa piling ng kanyang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
