THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
SA loob lang ng isang linggo, ang dami nang maugong na usapan sa social media na may kinalaman sa hayop — lalo na’t mayroon na namang isang insidente sa Maynila kung saan napag-initan at sinaktan ang isang aso na nananahimik at walang kalaban-laban.
Hinataw ng isang lalaki si Daga, isang walong buwang aso na wala namang ginagawa sa kanya. May kaaway daw at napagbalingan lang ng galit. Malubha ang naging lagay ng aso kaya desidido ang may-ari nito na kasuhan ang nanakit dito. Nakagagalit talaga at dapat papanagutin.
Isa pa sa nakababahalang balita na may kinalaman sa hayop ang nangyari naman sa Pasig kung saan nanawagan ang isang grupo ng mga boluntaryo na nakatira sa isang condominium development para mahanap ang siyam na community cats na bigla na lang nawala.
Ayon sa grupo, nakapon na ang mga pusang ito at pawang mga nabakunahan. Walang makuhang sagot ang mga residenteng nababahala sa sitwasyon ng mga inaalagaang pusa lalo na’t hindi naman ito ang unang pagkakataon na nangyari ito. Ayon pa sa kanila, mayroon ding polisiya ang condominium developer na ipinagbabawal ang pagpapakain at pagkupkop sa community cats—mga pusang bahagi na ng komunidad at maayos naman ang pamamahala.
Nakai-stress para sa animal advocates at maging sa pet owners ang mga ganitong insidente, lalo na’t wala naman talagang masamang ginagawa ang mga hayop na ito para umabot sa ganito.
Napakaraming ganitong kaso ng pagmamalupit sa hayop, lalo na ‘yung mga walang nag-aalaga o kaya naman ay nagpapalaboy-laboy sa kalsada. Sigurado, marami ring hindi naiuulat dahil hindi naman lahat may kamalayan tungkol dito. Kaya dapat talaga kahit na paulit-ulit, hindi tayo nagsasawang labanan ang mga ganitong insidente, at talagang sampolan ang mga lumalabag sa Animal Welfare Act. Dapat nating seryosohin ito kung gusto nating magkaroon ng lipunang may malasakit sa mga hayop.
Samantala, kapuri-puri naman at nakaiinggit ang bagong proyekto sa Makati. Napabalita rin ang makasaysayang pagbubukas ng kauna-unahang animal care facility. Nakabibilib na inisyatiba ito para sa pamahalaang nagpapamalas ng kahalagahan ng pagkakaroon ng malasakit at ligtas na kapaligiran para sa mga hayop. Bukod sa mga consultation, surgery, recovery at food preparation rooms — mayroon ding mga libreng serbisyo para sa mga hayop kagaya ng konsultasyon, bakuna, deworming, microchipping, at iba pa. Magsisilbi ring opisina ng Veterinary Services Department (VSD) ang naturang pasilidad at may plano pa ang Makati na itulak pa ang pagkupkup sa strays kaya talagang nakatutuwa itong programang ito ng isang lokal na pamahalaan.
Patunay ito na kaya naman nating magkaroon ng lipunang kayang mag co-exist nang maayos kasama ang mga hayop na mga inosente naman at kung tutuusin, walang laban sa ating mga tao.
Hindi tayo dapat tumigil dahil hangga’t mayroon pang mapagsamantala, patuloy pa rin nating pag-usapan at hanapan ng solusyon ang hindi magagandang insidente, palaganapin pa ang kamalayan tungkol sa maayos na pagtrato sa mga hayop, at suportahan ang mga proyektong makatutulong para makamit natin ang isang lipunang may pagpapahalaga sa buhay hindi lamang ng tao, kundi pati ng mga hayop.
