KAILANGANG sertipikahan na ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang P200 legislative wage hike kung nais niyang tumaas ang kanyang approval at trust ratings sa buong bansa.
Ito ang iginiit ng grupo ni House Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza matapos sumadsad ng 25 porsyento ang approval at trust rating ni Marcos Jr. habang mahigit 50 porsyento na rin umano ang dismayado sa pamamalakad nito sa gobyerno.
“This is a sobering signal and a wake-up call that the direction of this administration is falling far short of our people’s expectations,” ayon sa grupo ni Mendoza.
Ipinaliwanag ni Mendoza na hindi nakapagtataka na bumaba ang approval at trust ratings ng Pangulo dahil milyun-milyong pamilyang Pilipino ang patuloy na nagdurusa sa napakataas na presyo ng mga pangunahing bilihin na sanhi ng malawakang kahirapan at kawalan ng oportunidad sa hanapbuhay.
Sa gitna nito aniya ay patuloy namang mababa ang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa kaya kailangan aniyang sertipikahan na bilang urgent bill ang nasabing panukala na naipasa na sa ikalawang pagbasa sa Kamara noong Pebrero.
“We trust that the President will rise to the occasion and immediately certify the P200 legislated wage hike, especially in time for Labor Day after the limits of piecemeal stop-gap social welfare interventions and over-reliance on obsolete regional boards have been starkly exposed,” ani Mendoza.
Base sa nasabing panukala, lahat ng manggagawa sa bansa ay madagdagan ng P200 ang arawang sahod subalit nangangamba ang mambabatas na madidiskaril ito kapag hindi ito nasertipikahan ni Marcos Jr.
Pagod na aniya ang taumbayan sa kahihiling na dagdagan ang kanilang sweldo na hindi pinapansin ng Malakanyan kaya hindi nakapagtataka na bumababa ang trust at approval rating ng Pangulo sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
(PRIMITIVO MAKILING)
