POPE FRANCIS PUMANAW NA

SUMAKABILANG BUHAY sa edad na 88 si Pope Francis.

Sa Facebook post ng Vatican News, ang Santo Papa ay pumanaw sa kanyang tirahan sa Vatican Casa Santa Marta nitong Lunes, April 21, 2025.

Noong Linggo, sakay ng open-air popemobile si Pope Francis ay humarap sa St. Peters Square sa unang pagkakataon mula sa kanyang pagkaka-ospital dahil sa double pneumonia.

Sa kanyang pagpapagaling, nilimitahan ng kanyang doktor ang kanyang trabaho kung saan sa Easter Mass, ang kanyang mensahe ay binasa na lamang ng isang aide.

Samantala, inaantabayan pa ang pahayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa pagpanaw ni Pope Francis.

Ipinanganak si Pope Francis, bilang Jorge Mario Bergoglio noong Disyembre 17, 1936 sa Buenos Aires, Argentina.

Anak siya ng mga imigranteng Italyano. Bago pumasok sa seminaryo, nag-aral siya bilang chemical technician at nagtrabaho sa industriya ng pagkain. Sa edad na 21, nagkaroon siya ng malubhang pneumonia na nagresulta sa pag-alis ng bahagi ng kanyang kanang baga.

Noong 1958, sumali siya sa Jesuit novitiate at nag-aral ng humanities sa Santiago, Chile. Siya ay naging pari noong Disyembre 13, 1969, at noong 1973, ginawa niya ang kanyang perpetual vows sa Society of Jesus. Siya rin ang naging Jesuit provincial ng Argentina mula 1973 hanggang 1979.

Bilang Archbishop ng Buenos Aires noong 1998, kilala siya sa kanyang simpleng pamumuhay, nakatira sa isang maliit na apartment at gumagamit ng pampublikong transportasyon.

Siya ay naging Cardinal noong 2001 sa ilalim ni Pope John Paul II. Noong Marso 13, 2013, siya ay nahalal bilang Santo Papa, ang unang Jesuit Pope, unang mula sa Latin America, at unang hindi Europeo sa loob ng mahigit 1,000 taon.

Kamara Nagluksa

“It is with a heavy heart that I join the world in mourning the passing of Pope Francis, whom we in Leyte—and across the Philippines—lovingly called “Lolo Kiko.”

Ito ang mensahe ni House Speaker Martin Romualdez sa pagpanaw ni Pope Francis.

Ayon kay Romualdez, hindi lang Santo Papa si Pope Francis sa mga Pilipino kundi isa siyang ama at kaibigan na gumagabay sa atin sa panahon ng kadiliman.

Isa sa hindi aniya makakalimutan ng mga Pilipino ay ang pagpunta ni Pope Francis sa Tacloban pagkatapos ng mapaminsalang bagyong Yolanda habang nagdurusa ang mga tao dahil sa nasabing kalamidad.

“He braved the storm, stood with us in the rain, and spoke not just as a leader of the Church, but as someone who truly felt our pain. His presence alone gave us strength. His words reminded us that even in loss, we were not alone. That God had not abandoned us,” ani Romualdez.

“That was who Pope Francis was—someone who saw beyond titles, beyond barriers. He reached out to the poor, the sick, the forgotten, and gave them a voice. He reminded us that true power lies in service, and that faith is not just about rituals, but about love in action,” dagdag pa nito.

(JOCELYN DOMENDEN/PRIMITIVO MAKILING)

61

Related posts

Leave a Comment