TRAPIK!!!!!!!!!

ISA sa ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na problemang kanyang tatapusin sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan kapag siya ay nanalong pangulo ay ang problema ng trapiko sa Metro Manila.

Sawang sawa na ang mga tao sa trapik sa Metro Manila dahil sa ­lansangan na lamang nauubos ang kanilang libreng oras kaya bawas ang kanilang ­panahon sa kanilang pamilya.

Dahil sa pangakong ito ng Pangulo kasama na ang pangakong tatapusin ang problema sa droga, ay nakakuha siya ng ­malaking boto sa Metro Manila dahil ang mga nakaraang administrasyon, nabigo silang resolbahin ang problemang ito.

Nakaapat na taon na siya sa Malakanyang at halos dalawang taon na lamang ang natitira sa kanyang termino pero wala pang nababanaag na liwanag na matatapos na ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

Hindi raw kasi ibinigay ng Kongreso ang emergency power na hiningi ng Pangulo para resolbahin ang problema sa trapiko kaya parang sinukuan na ang problemang ito.

Kahit sa panahon ng pandemya, malala ang problema sa trapiko sa Metro Manila. Paano na lang kung walang ­pandemya at hindi limitado ang kilos at paglabas ng mga tao?

Hindi lamang sa Edsa nagkakaroon ng matinding problema sa trapiko kundi sa lahat ng lansangan sa Metro Manila. Yung dating kalahating oras na biyahe ay nagiging dalawang oras na.

Gawa tayo ng gawa ng mga proyekto sa labas ng Metro Manila para paiksiin ang biyahe ng mga motorista para yung dating dalawang oras na biyahe ay magiging 30 minuto na lang.

Pero kabaliktaran ang nangyayari sa Metro Manila dahil yung ­dating ­maiksing biyahe ay dumoble pa ang oras na ginugugol nila sa mga lansangan dahil papalala ng palala ang problema sa trapiko.

Parang hindi lang si Pangulong Duterte ang sumuko na sa trapiko kundi ang mga ahensya na nangangasiwa sa mga lansangan. Ang dami nilang ginagawang eskperimento pero wala pa ring nangyayari.

Naririyan ang paglinis sa mga inner streets para raw gawing alternatibo ng mga mtotorista pero parang hindi pa rin epektibo dahil nagkikita-kita pa rin sa major artillery ang mga motorista.

Hindi ko alam kung ano pang mga eksperimento ang gagawin nila sa mga susunod na panahon pero dahil sa nangyayari parang sinasabi sa atin na ‘masanay na kayo’o ‘hindi ba pa kayo sanay?”.

Parang sa bagyo lang, lagi na lang nakasandig ang gobyerno sa resiliency ng mga tao na tinatamaan ng kalamidad at walang ginagawang paraan para maibsan ang epekto ng bagyo sa buhay at ­ari-arian ng mga tao.

Sanay na raw kasi tayo na bumabangon mula sa sarili nating pagsisikap pagkatapos ng unos at wala yang ipinagkaiba sa problema sa trapiko na sinasanay na tayo na ganyan na talaga ang situwasyon sa lansangan.

Pero hangga’t walang political will ang gobyerno na kontrolin ang pagdami ng mga sasakyan sa bansa, walang mangyayari kahit anong gawin nila ay hindi mareresolba ang problema sa trapiko.

Ang mga middle class, bihira sa kanila ang isa lang ang sasakyan. Paramihan sila ng sasakyan. Mayroon pa nga dyan na hanggang 10 ang sasakyan eh kaya. Malaki nga ang ­makokolektang buwis sa sasakyan na ito pero pinaparusahan mo naman ang lahat ng uri ng tao.

160

Related posts

Leave a Comment