SUPORTADO ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang kampanya laban sa mga kolorum na sasakyan, ngunit iginiit na dapat ituon ng mga awtoridad ang operasyon sa mga sindikato na talagang ginagawang negosyo ang ilegal na pamamasada.
Kasabay nito, nagpaalala ang LCSP sa mga motorista kung paano maiiwasang mapagkamalang kolorum ang kanilang pribadong sasakyan, lalo na nitong Undas.
Ayon kay LCSP Founder Atty. Ariel Inton, maituturing na kolorum ang isang sasakyan kapag ginagamit itong pampasada o for hire nang walang prangkisa, expired ang prangkisa, o ginagamit sa rutang hindi saklaw ng awtorisasyon nito.
Kabilang din sa paglabag ang paggamit ng prangkisa para sa ibang uri ng serbisyo, gaya ng school bus na ginagamit bilang UV Express.
Ipinaliwanag ni Inton na hindi naman kolorum ang pribadong sasakyang ipinahiram lamang sa kaibigan o kamag-anak para sa pamamasyal, basta walang binayarang renta at hindi ito ginagamit bilang pampasada.
Upang maiwasan ang abala sa mga checkpoint, pinayuhan ng LCSP ang mga motorista na magdala ng mga sumusunod:
– Identification cards ng mga pasahero upang mapatunayan ang kanilang ugnayan sa isa’t isa;
– Authorization letter mula sa rehistradong may-ari na nagsasaad na ipinahiram lamang ang sasakyan at walang siningil na renta;
– Kopya ng Official Receipt at Certificate of Registration (OR/CR); at
– Iba pang dokumentong magpapatunay na pribadong biyahe lamang ang ginagawa at hindi inuupahan ang sasakyan.
Pinayuhan din ang mga pasahero na sa iisang meeting place na lamang sumakay upang hindi mapagkamalang namamasada o nagsasakay ng bayad na pasahero ang driver.
Hinimok din ng LCSP ang mga motorista na maayos na makipag-usap sa mga enforcer na sisita sa kanila.
Kinuwestiyon din ni Intos kung bakit patuloy na nakapamamasada nang lantaran ang ilang kolorum na sasakyan, sa kabila ng mga operasyon laban sa mga ito, at nagpahayag ng hinalang may nagaganap na palakasan o lagayan sa ilang kinauukulan.
(JULIET PACOT)
53 