MAGING WAIS SA PAGBOTO

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

ISANG linggo na lang bago sumapit ang May 12, 2025 election kaya kailangan nating maging matalino sa pagpili ng mga kandidato na ating ihahalal.

Sa panahon ng eleksyon lang magkakapantay-pantay ang lahat ng mga Pilipino, maging mahirap man o mayaman kaya samantalahin natin ang pagkakataon na ito na pumili tayo ng mga kandidato na gusto natin.

Hindi lang dahil sa binigyan tayo ng maliit na halaga ng pera o anomang ayuda ay iboboto na natin sila, piliin natin ang tunay na may malasakit at magseserbisyo sa mga Pilipino.

Hindi rin porke’t artista, magaling sumayaw at maboladas ay iboboto na natin sila, dahil sa panahon na umupo na ang mga ‘yan sa kanilang pwesto na inaasam-asam nila, ay hindi na ‘yan mamamansin sa mga bumoto sa kanila.

Sa tagal na nating nasa media ay subok ko na ang style ng mga politician tuwing eleksyon, at ‘pag nakaupo na sila sa pwesto.

Ngayong 2025 Midterm Election, grabe ang bigayan. kaliwa’t kanan, nariyan na ang bigayan ng bigas at pera sa mga botante.

Ang tanong, saan galing ang ipinamimigay na pera ng mga politiko sa mga botante?

Karamihan ng mga politikong ito na namimigay ng pera o ayuda, ang pakiramdam nila ay sa kanila galing ang kanilang ipinamimigay na pera at utang na loob sa kanila ng mga botante.

Kung hindi tayo pipili ng matinong kandidato ay mula tatlo hanggang anim na taon tayong piperwisyuhin ng ating ibinotong mga korap na politiko.

Ilan pa naman sa korap na mga politiko ngayon ay pumapasok sa survey sa magic 12 na kandidato sa pagka-senador.

Kaya isipin natin ang kinabukasan natin at ng ating mga anak, apo o kapamilya, kahit bigyan tayo ng pera, kung ano ang nasa puso natin ‘yun ang piliin nating iboto. Malalaman naman natin ‘yan kung sino sa mga kandidato ngayon ang nagsasabi ng totoo at hindi.

Bukod sa mga senador ay piliin din natin ang matinong kandidato mula sa party-list, governor, vice governor, provincial board member, city mayor, city vice mayor, city councilor, municipal mayor, municipal vice mayor, at municipal councilor.

Kung palpak ang ating ibinotong senador, anim na taon nating papasanin ang dala niyang pahirap sa atin tulad ng pagiging korap ng mga ito.

Sa mga kandidatong party-list pababa hanggang sa municipal councilors ay tatlong taon naman tayo mapeperwisyo kapag palpak ang ating mga napili sa kanila.

Dalawa lang ang pagpipilian natin, habambuhay tayo magsakripisyo na dulot ng mga politiko na ating ibinoto o magiging matalino tayo sa pagpili sa kanila?

Minsan sumasagi sa isipan ng ating mga kababayan na kaya nila tinatanggap ang ibinibigay sa kanilang pera ng mga kandidato ay dahil kahit papaano ay makinabang sila sa mga tumatakbo tuwing eleksyon, kaysa wala.

Hindi natin sinasabi na ‘wag nating tanggapin dahil galing din naman sa taumbayan ang ipamimigay na pera ng mga politiko sa atin sa tuwing eleksyon, sundin lang natin ang ating konsensiya, kung sino ang nasa puso nang hindi tayo magsisi sa bandang huli.

Kung gusto talaga natin mabago ang takbo ng ating pamahalaan, sabay-sabay tayong maging matalino sa pagboto piliin natin ang matinong kandidato.

Sa payo kong ito, lahat ng mga Pilipino ay makikinabang.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.

59

Related posts

Leave a Comment