TINIYAK ng Malakanyang na hindi kakapusin dahil ipakakarga muna sa iba pang testing centers ang mga indibidwal lalo ang mga OFW na dapat sumalang sa swab test sa Philippine Red Cross (PRC).
Giit ni Presidential spokesperson Harry Roque, marami namang RT-PCR testing centers na maaaring sumalo sa iniwang puwesto ng PRC.
Aniya, nasa 113 RT-PCR at 35 GeneXpert PCR testing centers sa buong bansa ang maaaring gumawa ng binitiwang swab test procedure ng Red Cross.
Tiniyak ni Sec. Roque na dito ay maaaring ikalat ang mga subject for swab test kabilang na ang mga OFW na napaulat na nagkakaroon ng delay sa kanilang pag-uwi bunsod ng pagkalas ng PNRC para makapagsagawa ng PCR test sa mga miyembro ng PhilHealth.
Kaya kung mayroon man aniyang pagkakaantala, sinabi ni Sec. Roque na panandalian lamang ito dahil marami namang kapalit na relyebo habang positibo rin aniya silang maaayos din ang gusot sa PRC.
Kaugnay nito, sinabi ni Sec. Roque na may isang salita si Pangulong Rodrigo Roa Duterte nang sabihin nito na babayaran ng pamahalaan ang obligasyon nito sa Red Cross.
“The President has given his commitment that the government will pay its obligation to the PRC,” ayon kay Sec. Roque.
Idagdag pa aniya ang pagbibigay ng legal na opinyon ng Department of Justice (DOJ) na ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay magbibigay ng partial payment sa PRC habang ang memorandum of agreement sa pagitan ng PhilHealth at PRC ay sumasailalim sa masusing pagrerebisa.
Dahil dito, umapela ang Malakanyang sa PRC na ipagpatuloy na ang testing services nito.
Gayundin, hiniling ng Malakanyang sa publiko kabilang ang mga stranded OFW at overseas Filipinos (OFs), na manatiling mapagpasensiya at maunawain habang nilulutas ng pamahalaan ang usaping ito sa lalong madaling panahon. (CHRISTIAN DALE)
158 