MALINAW NA GUIDELINES SA MOTOR TAXI GIIT NG SOLON

INIHAYAG ni Senador Grace Poe na dapat malinaw ang guidelines sa pagbabalik ng motorcycle taxi sa lansangan at estriktong sumunod sa health at safety protocol upang protektahan ang rider at pasahero.

Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services, na malaki ang maitutulong ng pagbabalik ng operasyon ng motorcycle taxi upang dagdagan ang tumatakbong pampublikong sasakyan.

Makatutulong din ito upang maibsan ang araw-araw na paghihirap ng commuters partikular ang manggagawa na naghahanapbuhay sa gitna ng pandemya, giit pa ni Poe.

“Dapat malinaw ang guidelines at istriktong sumunod sa health at safety protocols upang matiyak na protektado ang rider sa buong panahon ng paglalakbay,” ayon kay Poe.

Aniya, dapat magkaroon ng regular na disinfection, pagsusuot ng face mask at gumamit ng sariling helmet ang ilan sa mga alintuntunin na dapat sundin ng rider.

“Kaligtasan ang nananatiling pangunahing pag-aalala sa pagbabalik ng motorcycle taxi sa lansangan,” ayon kay Poe.

“Dapat magamit ang pagpapatuloy ng pilot run bilang oportunidad upang masuri ang pangangailangan ng motorcycle taxi at tulungan ang Kongreso sa paglikha ng batas at maging legal ang kanilang operasyon,” dagdag ng mambabatas. (ESTONG REYES)

145

Related posts

Leave a Comment