MANHUNT SA GRUPONG NAKAPATAY NG PDEA AGENT, UTOS NI NEREZ

INUTOS ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Undersecretary Isagani Nerez ang masinsing manhunt laban sa grupong nakapatay ng isang PDEA agent at nakasugat sa isang senior Philippine Marine officer sa isinagawang joint anti-drug operation sa Bongao, Tawi-Tawi.

Ayon sa PDEA, target ng operasyon sina alias Antonio, alias Nasser, alias Abon at dalawa pang hindi nakikilalang lalaki na nakatakas matapos ang halos tatlong oras na engkuwentro.

Nauwi sa matinding bakbakan ang joint operation ng PDEA-BARMM at Philippine Marine Battalion Landing Team-4 laban sa grupo ni Jimhar Jawadil, alyas “Boss M,” isang dating Abu Sayyaf Group surrenderee, sa Barangay Paniongan noong Linggo.

Sa ulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), kinilala ang nasawing PDEA agent na si Intelligence Officer 1 Enfernie Jim Dayag, 42. Sugatan naman si Marine Lt. Col. Malabanan at dalawa pa nitong tauhan.

Napatay rin sa operasyon ang target na si alias “Boss M,” na idineklarang dead on arrival sa ospital dahil sa tinamong mga tama ng bala.

Nasamsam ng mga operatiba ang 96 sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 270 gramo at may tinatayang halagang P1.836 milyon, gayundin ang KG-9 submachine gun, M1 Garand na may 221 bala at apat na .45-caliber firearms.

Nagpahatid naman ng pakikiramay si Nerez sa pamilya ng nasawing ahente.

“It is a very sad Sunday for us. Let us put the sacrifice of IO1 Dayag forever in our hearts and be our inspiration in pursuing justice for his family, as well as in doing relentless and determined action against drug syndicates,” ani Nerez.

(JESSE RUIZ)

80

Related posts

Leave a Comment