WALANG TIWALA ANG PUBLIKO SA MGA POLITIKO

INAAMIN ko na isa ako sa may nais maamyendahan na ang 1987 Constutition dahil 33-anyos na ito at maraming probisyon sa bibliyang ito ng mga Filipino na hindi na angkop sa panahon ngayon.

Hadlang din ang Saligang Batas sa pagpasok ng mga dayuhang negosyante dahil hindi sila ang puwedeng magmay-ari ng isang daang porsyento sa negosyong ipapasok nila sa ating bansa.

Hanggang 40% lang ang pag-aari nila sa isang negosyo kaya naghahanap sila ng mga Filipino counterpart para maging partner nila at magmay-ari sa 60% sa ­negosyong itatayo nila.

Ang bulung-bulungan ay mga dummy ang mga Filipino counterpart para lang makapagtayo ng negosyo ang mga dayuhang negosyante sa ating bansa.

Kahit ako, hindi ako pabor na 40% lang ang ownership ko sa negosyong ipapasok ko.

Yan din ang dahilan kaya yung mga dating Pangulo ng ating bansa ay lagi nilang sinasabi na nakakuha sila ng daan-daang milyong investment sa bansang kanilang pinuntahan pero puro drawing lang at hindi natutuloy ang pag-invest ng mga dayuhang negosyante dahil sa restriksyon sa Saligang Batas sa kanilang pagnenegosyo.

Yan daw ang nais baguhin ng Kongreso kaya magsasayaw na sila ng cha-cha dahil kailangan daw ng Pilipinas ang mga fresh investments at maibangon ang ekonomiya ng bansa na nilugmok ng COVID-19 pandemic.

Pero mukhang dadaan sa butas ng karayom ang muling pagtatangka ng mga pulitiko na amyendahan ang saligang batas kahit pa sinasabi nila na tanging ang mga economic provisions ang kanilang aamyendahan.

Walang tiwala ang mga Filipino sa mga pulitiko at ayaw nilang ipaubaya sa mga ito ang pag-­amyenda sa Saligang Batas.

Laging iniisip ng mga tao na sariling interes ng mga pulitiko ang laging nauuna kumpara sa interes ng mamamayan at bansa sa kabuuan.

Kung talagang kailangan na kailangang amyendahan na ang saligang batas, dapat gawin ito sa pamamagitan ng Constitutional Convenstion (ConCon) para makapamili ang mga tao ng kanilang kinatawan na mag-aamyenda sa konstitusyon.

Hindi dapat ipilit ng mga pulitiko ang Constituent Assembly (ConAss) o ang mga senador at congressmen lang ang magdedesisyon kung anong probisyon sa saligang batas ang aamyendahan.

Mula noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos, tinangkang amyendahan ang Saligang Batas pero hindi pumayag ang mga tao dahil nakakaduda ang timing at lumulutang ang isyu sa term extension at pag-alis sa term limits ng mga pulitiko.

Paaanong hindi mawawalan ng tiwala ang mga tao sa mga pulitiko eh 33 taon na ang bibliyang ito ng mga Filipino pero yung probisyon dyan na kailangang gumawa sila ng batas para buwagin ang multi-party system at parusahan ang mga ­balimbing eh hindi ginawa.

Ibig sabihin, sa nakaraang 33 taon, mas prinoteksyunan ng mga pulitiko ang kanilang sariling interes kaya hindi sila gumawa ng batas na nagbabawal sa kanila na maging balimbing.

Ngayon, masisisi ba nila ang mga tao kung wala silang tiwala sa kanila lalo na’t sila sila lang ang mag-aamyenda sa Saligang Batas?

Yung sinasabi nila na raratipikahan din naman yan ng mga tao sa pamamagitan ng plebesito eh walang kuwenta yun dahil ang ipaparatipika nyo sa amin eh ang ginawa nyong amendments na hindi namin gusto.

184

Related posts

Leave a Comment