NILINAW ng isang opisyal ng Quezon City Government na hindi raw galing sa Community Pantry na isinagawa ni Majority Floor Leader Councilor Franz Pumaren ang nagpositibo sa COVID-19 na naitala sa Brgy. Old Balara ng nasabing siyudad.
Sa phone interview kay Bert Apostol, hepe ng Public Affairs and Information Department ng Quezon City Government, ayon sa kanyang natanggap na initial information, mayroong nagpositibo sa COVID-19 sa nabanggit na barangay ngunit hindi dumalo sa Community Pantry na isinagawa ni Pumaren.
Aniya, sinisikap niya pang makuha ang kumpletong detalye at kung ano ang mga pangalan at saan nanggaling ang pagkahawa ng dalawang residente ng Old Balara, Quezon City na nagpositibo sa COVID-19.
Dahil dito, nagsimula na sa contact tracing ang mga health personnel sa naturang barangay, kung saan naka-PPE ang mga ito.
Mahigit 600 na mula sa 6,000 pumila sa community pantry ang nagtungo sa Barangay Old Balara para magpa-swab test.
Sinubukan ng SAKSI NGAYON na kapanayamin si Dr. Rolly Cruz, hepe ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) para makuha ang kanyang sagot sa napabalitang dalawang nagpositibo na dumalo sa Community Pantry na isinagawa ng kampo ni Councilor Pumaren kamakailan, ngunit hindi siya makontak.
Sa isinumiteng report ng Batasan Police Station 6 sa Quezon City, ang isinagawang community pantry ni Konsehal Pumaren ay dumaan sa tamang koordinasyon sa concerned government agencies at maging sa opisina ni Brgy. Old Balara Chairman Allan Franza para tiyakin ang maayos na daloy ng trapiko at implementasyon ng safety protocols.
Nauna nang sinampahan ng kasong kriminal si Juancho “Johnny” Ysores, presidente ng Phase 3 Homeowners Association sa Brgy. Nagkaisang Nayon dahil sa pool parties at inuman noong Mayo 9, 2021.
Sa nasabing okasyon ay 55 residente ang nagpositibo sa COVID-19, ayon sa CESU. (JOEL O. AMONGO)
182
