PULIS QC NAG-SUICIDE – QCPD

NAGLABAS na ng resulta ng imbestigasyon ang Quezon City Police District (QCPD) kaugnay sa ‘shooting to death’ ng isang miyembro ng QCPD-Kamuning Police Station 10.

Ang biktima ay kinilala ni QCPD Director, P/Brigadier General Antonio Yarra na si P/Corporal Higinio Wayan y Calion, 31-anyos, nakatalaga sa QCPD-Kamuning Police Station 10 at residente ng B63 L1, Kasayahan St., Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Ayon sa report, ang biktima kasama sina P/Cpl. Harold Mendoza, P/Cpl. Sherwin Rebot at Lorenzo Lapay ay nag-inuman sa inuupahang bahay ng huli sa No. 109 2nd St., Bitoon Circle, Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Dakong alas-3:50 ng madaling-araw noong Mayo 30, 2021, si P/Cpl. Mendoza ay nagpahinga habang si P/Cpl. Rebot ay nagtungo sa comfort room (CR).

Samantala, si Lapay na naiwan ay nalaman na ang biktima ay kinuha ang service firearm ni P/Cpl. Rebot, isang caliber .40 Glock na may serial number AACU334, na umano’y naiwan sa ibabaw ng lamesa.

Ayon kay Lapay, nang makuha ng biktima ang nasabing baril ay sinimulan nitong paglaruan at itinutok sa kanyang dibdib habang sinasabi ang katagang “Gusto mo iputok ko pa ito sa sarili ko,” at kinalabit ang trigger ng baril. Tinamaan ng bala sa dibdib ang biktima na agad nitong ikinamatay.

Ang pangyayari ay agad ipinagbigay-alam sa personnel ng Batasan Police Station 6, sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Col. Romulus Gadaoni.

Sinabi ni Yarra na lahat ng mga naroon sa pinangyarihan ng insidente ay isinasailalim sa imbestigasyon bilang bahagi ng proseso.

Samantala, ang dalawa pang pulis na sina P/Cpl. Mendoza at P/Cpl. Rebot ay agad na inalis sa kanilang pwesto habang nakabinbin ang pre-charge investigation. (JOEL O. AMONGO)

198

Related posts

Leave a Comment