P1-B INSURANCE, IBIBIGAY SA AGRARIAN BENEFICIARIES

ISANG bilyong piso ang ibibigay ng Department of Agrarian Reform (DAR) na “agricultural insurance” sa mahigit kalahating milyong agrarian reform beneficiaries (ARBs) na kasama sa programa.

Mangyayari ito dahil nagkaroon ng kasunduan ang DAR at ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) upang tulungan ang mga magsasaka sa kanilang naperwisyong mga pananim.

Ayon kay DAR Secretary John Castriciones, malaki ang pakinabang ng mga magsasaka sa P1 bilyong agricultural insurance dahil “mapagagaan at maililipat [nito] ang peligrong dulot ng pagkalugi sa agrikultura dahil sa mga peste, sakit sa pag-atake at epekto ng pagbabago ng klima at iba pang mga natural na kalamidad”.

Ang nasabing insurance ay isa sa mga programa ng DAR na naglalayong iangat ang produksyon at kita ng mga magsasaka sa lahat ng panig ng bansa mula sa masamang epekto ng iba’t ibang paktor sa kanilang mga pananim.

Ang Agrarian Reform Beneficiaries – Agricultural Insurance Program (ARB-AIP) ay sumasaklaw sa mga pananim ng mga magsasaka na nasira ng mga sakit, peste at mga natural na kalamidad, tulad ng mga bagyo, baha, pagkatuyot, buhawi, lindol at pagsabog ng bulkan.

Ani Castriciones, ang DAR at PCIC ay parehong nagsusumikap upang matiyak na 100 porsyento ng mga ARB ang maisasama sa ARB-AIP at iba pang kaakibat na mga proyekto.

Inilinaw ni Castriciones na tanging ARBs lamang na nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang makakukuha ng insurance program ng DAR-PCIC.

“Ang insurance program ay malaking tulong sa mga magsasakang-benepisyaryo dahil ginagarantiya nito na makakabangon silang muli sa pagkalugi sa kanilang sakahan sanhi ng mga natural na kalamidad,” paliwanag ni Castriciones.

Aniya, partikular na aalalay ang DAR sa pagtukoy ng mga ARB at mga miyembro ng kanilang pamilya na nakatala sa RSBSA sa kani-kanilang lugar na karapat-dapat na makakuha ng libreng insurance coverage.

Idinagdag pa ni Castriciones, tutulong din ang DAR sa paghahanda ng napapanahong pagsusumite ng mga kailangang dokumento para sa mga habol na bayad-pinsala sa mga magsasaka at sa pagsasagawa ng ‘claims adjustment verification on notices of loss’ at mga paghahabol na isinampa ng naapektuhang ARBs.

Upang matiyak na epektibo at maayos na maipatutupad ang ARB-AIP, nagkasundo ang DAR at PCIC na bubuo ang dalawang ito ng operations team, secretariat at DAR-PCIC Regional Coordinating Team. (NELSON S. BADILLA)

204

Related posts

Leave a Comment