RAPIDO ni PATRICK TULFO
SINABON ni Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Econg si Tarlac 3rd District Representative Noel “Bong” Rivera dahil sa pagdalo sa hearing na nakasuot lang ng jeans at T-shirt.
Ayon sa ulat, sinabi raw ng Sandiganbayan presiding justice sa kongresista ang mga katagang, “For a congressman to appear like that in court, you do not respect the court? Do you want to appear many times so you will know how to dress properly?”
Hindi naman naiulat kung ano ang tugon ng kongresista sa sinabi ni Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Econg dito.
Nakunan ng media na nagko-cover sa Sandiganbayan, ang pagdating ni Cong. Noel Rivera para sa hearing ng kanyang kaso, na tila “fixer” sa LTO ang kongresista sa kasuotan nito.
Para po sa kaalaman ng marami, hindi basta korte lang ang Sandiganbayan, karamihan sa mga nakakasuhan dito ay mga elected o appointed public officials at hindi mga ordinaryong tao lang.
Dahil dito, mataas ang expectation sa mga katulad ni Rivera na isa pa man ding mambabatas.
Nahaharap sa nine counts of graft si Cong. Rivera na kabilang sa tinaguriang “CONGTRACTORS” na mga mambabatas, kasama rin si CWS Party-list Representative Edwin Gardiola ng Batangas.
Kasama si Rivera sa ikapitong batch ng mga personalidad na nakasuhan dahil sa maanomalyang flood control projects.
Ayon sa mga report, may ilang construction companies ang pag-aari ni Rivera at asawa nito, na nabigyan ng bilyong pondo ng DPWH para sa flood control projects pero mariin naman itong pinabulaanan ng mambabatas.
Kung inyong matatandaan, ilang mga personalidad na nahaharap sa iba’t ibang kaso ang humarap na sa Sandiganbayan katulad nina Sen. Rodante Marcoleta, Sen. Jinggoy Estrada at dating Sen. Bong Revilla na nakasuot naman ng pormal na kasuotan.
Sa mga hindi pa nakita ang larawan ng nag-viral na kasuotan ni Cong. Noel Rivera sa pagdalo sa hearing sa Sandiganbayan, ay hanapin ninyo na lang sa internet.
56 