METRO MAYORS MAG-IISYU NG EO SA CAROLING BAN

NAGKASUNDO na ang Metro mayors na pansamantalang ipagbawal ang nakaugaliang pagsasagawa ng caroling upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Ayon kay Metro Manila Council (MMC) chairman at Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez, ang lahat ng alkalde sa Metro Manila ay nagkaisa na maglabas ng isang executive order na tumutugma rin sa naunang kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF) tungkol sa pag-ban ng pangangaroling na kalimitang sinisimulan ng Disyembre 16 ng gabi hanggang Disyembre 23.

“Naglabas na kami ng executive order na walang physical caroling na mangyayari dito sa darating na Kapaskuhan,” ani Olivarez sa kanyang panayam sa Teleradyo.

Ayon kay Olivarez, kanila ring ipinakikiusap sa mga pribadong sektor na pansamantalang huwag magsagawa ng mga tradisyunal na kaganapan ngayong Kapaskuhan at pinaalalahanan din ang mga magsasalu-salo sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) na pinapayagan lang ng hanggang 10 katao.

Naglabas na rin ng advisory ang gobyerno, ayon kay Olivarez, tungkol sa selebrasyon ng Kapaskuhan na limitahan na lamang para sa mga miyembro ng pamilya.

Idinagdag pa ni Olivarez na bubuo siya ng isang task force na magmomonitor sa no caroling policy.

Kasabay nito ay inatasan ng alkalde ang mga opisyal ng mga village na bantayan ang mga nangangaroling sa kanilang mga lugar. (DAVE MEDINA)

171

Related posts

Leave a Comment