INILABAS ng Malakanyang ang updated roster ng mga lugar na ilalagay sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) mula Hunyo 1 hanggang 15.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang Pangasinan; Region 2 (Cagayan Valley); Region 3 (Central Luzon); Region 4-A (Calabarzon); National Capital Region (NCR), kabilang na ang Pateros; Region 7 (Central Visayas); Zamboanga City; Davao City; Cebu City; at Mandaue City ang mga lugar na kabilang sa bagong listahan ng mga lugar na sasailalim sa GCQ.
“Ang lahat po ng ibang lugar pa sa Pilipinas na hindi ko nabanggit, lahat po kayo ay nasa modified GCQ,” ayon kay Sec. Roque sa Laging Handa public briefing.
Ang pinakahuling pagbabago ay matapos na ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, nitong Huwebes na ipatutupad ang GCQ sa NCR, Davao City, Cagayan Valley, Region 3, Region 4-A, Pangasinan, at Albay simula sa Hunyo 1.
Ang magiging galaw naman ng mga tao, ani Sec. Roque at maging ng public transportation, at operasyon ng ilang industriya ay mananatiling limitado sa mga lugar na ipatutupad ang GCQ.
Idinagdag pa niya na ang presensiya ng kapulisan ay mananatiling kailangan sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ upang ipatupad ang community quarantine protocols. CHRISTIAN DALE
