Ikakasa sa Lunes ng mga tsuper, operator NOISE BARRAGE KONTRA JEEPNEY PHASEOUT

MAGLULUNSAD ng noise barrage ang iba’t ibang transport organization bukas sa takot na tuluyan nang hindi sila makabiyahe kahit sumailalim sa new normal ang sitwasyon sa bansa oras na makontrol ang paglaganap ng coronavirus.

Ito ay dahil sa posibilidad na mga modernong jeep na lamang ang papayagang makabiyahe dahil sa ipatutupad na sistema ng pagsasakay at singilan.

Ayon sa ilang kasapi ng grupong Alliance of Concerned Transport Organization o ACTO, nangangamba silang igiit ng gobyerno ang isinusulong na transport modernization ngayong nasa General Community Quarantine ang malaking bahagi ng bansa partikular ang Metro Manila.

Bukod pa rito ang umano’y pagpayag ng LTFRB at ng LTO na bumiyahe sa mga pangunahing lansangan na nirurutahan nila ang mga bus at modern jeepneys.

Ayon sa pamunuan ng ACTO, hindi naman sila tutol sa modernization subalit kung maaari ay hinay-hinay lamang upang makasabay sila dahil malaki rin umano ang puhunang gagamitin para makabili ng mga bago o modernong yunit.

Umaasa umano ang mga tsuper na makababalik sila sa biyahe sa sandaling umiral na ang GCQ subalit tanging ang mga modern jeepney ang maaaring makabalik sa biyahe base sa panuntunan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), pahayag naman ng grupong PISTON.

Dahil dito ay nanawagan ang grupong PISTON ng sabayang pagbusina bukas (Hunyo 1), bilang pag-apela sa gobyerno na payagang muli silang makabiyahe sa Metro Manila. JESSE KABEL

385

Related posts

Leave a Comment