MIMAROPA AT CALABARZON MULING PAGSASAMAHIN?

Kurdapyo ni Toto Nabaja

IMINUNGKAHI ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na muling ibalik sa isang rehiyon ang CALABARZON (Region 4-A) at MIMAROPA (Region 4-B).

Samu’t sari ang reaksyon at opinyon ng ating mga Ka-Totong Kurdapyo at Kurdapya, sa bagong panukala ni SILG Jonvic Remulla.

Ops! Teka Lang! ‘Di ba ang Region 4A at 4B ay iisang Rehiyon 4 (Timog Katagalugan) at sa bisa ng Executive Order No.103 ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay hinati sa dalawa noong Mayo 17, 2002.

Layon ng naturang hakbang ay mapabilis ang pag-unlad ng kabuhayan sa bawat lalawigan at mapalapit ang paglingkod ng pamahalaan sa mamamayan.

Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Finance Sub-Committee, iminungkahi ni Remulla na ibalik ang MIMAROPA sa Rehiyon 4 at magkaroon ng Sub-Region. Ay Ambot sa bakang biyuda.

Sinabi ni Remulla na gawing praktikal at episyente ang pamamahala at pagkilos tulad ng disaster response at calamities sa mga lalawigan.

May punto naman ang kalihim, dahil may regional agencies na nakabase sa Metro Manila o ‘di kaya ay sa labas ng nasasakupan ng rehiyon.

Batay sa panukala, magkasama ang Palawan at Cavite, sub-region ang Batangas at Mindoro habang magkasama naman ang Rizal at Laguna.

Samantala, sub-region naman ang Quezon na kagrupo ng Marinduque at Romblon na ngayon ay binansagan na ng ilang netizens na QUEMARO. Aray naku! Pakak!

Sa ngayon, nananatiling hiwalay ang CALABARZON at MIMAROPA bilang magkahiwalay na administrative regions.

Ayon kay Remulla, ihahain ng DILG sa Senado ngayong taon ang panukalang re-organisasyon, ngunit kailangan pa itong dumaan sa pag-aaral at proseso ng Kongreso bago maisakatuparan.

63

Related posts

Leave a Comment