NABANGGA NG MARINE ANIMAL, BANGKA LUMUBOG SA ROMBLON

NASAGIP ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang 31-anyos na mangingisda matapos lumubog ang kanyang motorbanca makaraan umanong mabangga ng isang marine animal sa karagatang sakop ng Barangay Cambijang, Cajidiocan, Romblon noong Huwebes, Agosto 13.

Kinilala ang biktimang si Rommel Roco, residente ng Sitio Ilawod sa nasabing barangay.

Ayon sa Coast Guard Sub-Station Cajidiocan, lumubog ang asul at puting motorbanca ng biktima humigit-kumulang anim na nautical miles ang layo mula sa baybayin.

Agad nagkasa ng search and rescue operation ang PCG katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Cajidiocan.

Nasagip si Roco na nasa maayos na kalagayan at walang anomang pinsala sa katawan.

Naiahon din at hinila patungong Port of Cajidiocan ang kanyang bangka.

Batay sa salaysay ni Roco, nasira ang gilid ng kanyang bangka habang hinihila ang kanyang lambat matapos itong mabangga ng isang ‘di matukoy na marine animal.

Ito ang naging dahilan nang mabilis na pagpasok ng tubig sa kanyang sasakyang pandagat.

Nang mapansing lumalala na ang sitwasyon, mabilis na nakipag-ugnayan si Roco sa kanyang pamilya, na agad namang humingi ng saklolo sa mga awtoridad.

(NILOU DEL CARMEN)

92

Related posts

Leave a Comment