NAGSISISI NA SIGURO SI SEN. ALAN AT KINANTI NIYA SI SEN. PING

RAPIDO ni PATRICK TULFO

NAGSISISI na siguro si Sen. Alan Peter Cayetano na binanatan niya ang kapwa senador na si Sen. Ping Lacson dahil hindi na siya tinitigilan ng dating PNP chief.

Matatandaan na kinuwestiyon ni Sen. Alan Peter Cayetano sa isang livestream sa kanyang social media account, ang paglago ng yaman ni Sen. Ping Lacson na idineklara naman ng senador sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

Sinabi ni Sen. Ping na ang paglago ng kanyang yaman ay naganap sa taong 2022-2025 noong hindi siya nakaupo sa Senado at ito ay resulta ng matagumpay na business ventures na may kinalaman sa real estate at trading ventures.

At bilang ganti sa paninira sa kanyang integridad ay nangako ito na hahalukayin ang korupsyon sa balwarte mismo ni Cayetano sa siyudad ng Taguig.

At sa imbestigasyon na isinagawa ng kanyang opisina sa Senado ay naungkat nito ang malawakang reclamation project sa Laguna de Bay na tigmak nga raw ng korupsyon.

Dapat sana ay iimbestigahan ito ng Blue Ribbon Committee ng Senado pero nagdesisyon si Sen. Ping Lacson na idiretso na lang ito sa Office of the Ombudsman.

Itinanggi naman ni Sen. Alan Peter ang mga alegasyon ukol sa reklamasyon sa Taguig at sinabing ang ginagawa raw ni Ping ay isang demolition job, witch hunt at trial by publicity.

Ramdam na siguro ni Alan Peter ang epekto ng ginagawa ni Sen. Ping, ‘di ba nga ay napabalita na humihingi raw ito ng ceasefire sa kapwa senador, na kanya namang itinanggi nang ito ay lumabas sa media.

Sa tingin ninyo, sino ang mas may kredibilidad sa dalawang senador?

82

Related posts

Leave a Comment