CLICKBAIT ni JO BARLIZO
PANIBAGONG kabanata na naman ang naisulat sa tila walang-katapusang nobela ng mga kaso laban kay dating First Lady Imelda Marcos. Sa desisyon ng First Division ng Korte Suprema na nitong Miyerkoles lamang isinapubliko—tuluyang binaligtad ang hatol ng Sandiganbayan sa pitong bilang ng graft na may kinalaman sa mga private foundation sa Switzerland.
Ang ruling ng First Division ay isinulat ni Associate Justice Rodil V. Zalameda at nilabas noong June 10, 2026.
Para sa marami, maaaring lumingon sila sa nakaraan at magtaas ng kilay. Ngunit kung susuriin nating mabuti ang naging pasya, hindi ito simpleng usapin ng pangalan o pulitika kundi ng pundasyon ng ating hustisya: ang batas at ang tamang proseso.
Sa naging desisyon, nabura ang 2018 conviction ng Sandiganbayan na naghatol kay Imelda ng pagkakakulong at perpetual disqualification sa paghawak ng public office.
Importante rito ang pananaw ni retired Supreme Court Associate Justice Arturo D. Brion.
Ayon kay Brion, ang pinakamahalagang tanong ay kung napatunayan ba ng prosecution ang guilt ng akusado beyond reasonable doubt.
Sabi niya, dapat nakasentro ang conviction sa Information o formal charge na binasa sa akusado noong arraignment. Hindi maaaring mahatulan ang isang tao kung ang mismong offense na nakasaad sa charge ay hindi napatunayan sa antas na hinihingi ng batas.
Sa criminal cases, hindi sapat ang hinala, impresyon o simpleng pagdududa. Kahit marami mang dokumento ang iharap, kailangang maayos ang pagkakapresenta at nasunod ang rules on evidence.
At dito nagkaroon ng problema ang prosecution.
Ipinaliwanag ni Brion na ang mga dokumento mula Switzerland na ginamit upang patunayan ang financial interests ng dating First Lady ay itinuring ng Supreme Court bilang private documents. Dahil dito, kailangang ma-authenticate ang mga ito sa paraang itinakda ng rules.
Ngunit ayon kay Brion, hindi ito sapat na nagawa ng prosecution. Hindi rin nakapagbigay ang mga testigo ng kinakailangang patunay mula sa sarili nilang personal knowledge tungkol sa authenticity at validity ng mga dokumento.
Bunga nito, nagkaroon ng malaking puwang sa kaso ng prosekusyon. Hindi naging sapat ang ebidensya upang patunayan ang guilt ni Madam Imelda beyond reasonable doubt.
Huwag sana nating lituhin ang isyu. Ang pagbaligtad sa hatol ay hindi nangangahulugang binubura ang mga kontrobersiya ng nakaraan. Ang punto ay kailangang sundin ang batas nang may katumpakan para sa sinoman, maging sino ka man. Kung ang Korte Suprema na mismo ang nagpasya batay sa kakulangan ng ebidensiya, obligasyon nating igalang ito—hindi dahil sa apelyido ng akusado, kundi dahil ito ang umiiral na batas ng ating bayan.
Panahon na upang tapusin ang paulit-ulit na pulitikahan. Hindi natin kailangang magkasundo sa bawat pahina ng kasaysayan, ngunit kailangan nating matutong yumuko sa hatol ng hukuman. Sa gitna ng mga hamon ng ating bansa ngayon, mas makabubuting ituon ang ating lakas at atensyon sa mga tunay na problemang direktang kumakayod sa araw-araw na kabuhayan ng mga Pilipino.
Igalang ang batas, at mag-move on na tayo.
77 