Matutunghayan na ng publiko ang mga nagwaging obra sa 2025 Photography Contest ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na tampok ngayon sa MET Live Mall sa Pasay City.
Tatagal ang exhibit hanggang Oktubre 10 sa Atrium ng mall kung saan makikita ang 48 grand finalists na nagbigay-buhay sa temang “Infrastructure for Economic Development.”
Bawat larawan ay sumasalamin kung paano nagiging tulay ang imprastruktura sa ugnayan ng pamilya, nagpapatatag ng industriya at nagbubukas ng oportunidad sa mga komunidad.
Bumuhos ang halos 4,000 entries mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa timpalak, patunay sa hilig ng mga Pinoy sa photography at visual storytelling. Mula rito, pumili ang PAGCOR ng tig-walong grand winners sa Conventional, Mobile at Drone categories.
“This contest goes beyond artistry and talent, it captures how development reaches grassroots communities,” ani PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco. “Through these images, we see how infrastructure transforms lives and empowers communities.”
Sa mga susunod na buwan ay magkakaroon ng libreng exhibits sa iba’t ibang lugar sa bansa upang mas marami pa ang makakita sa mga larawan.
“Aside from the mall exhibit, the winning entries will also be featured in PAGCOR’S 2026 desk and wall calendars, turning everyday planners into windows of inspiration and national pride,” dagdag pa ni G. Tengco.
